MANILA, Philippines - Yumao na kamakalawa sa edad na 71 anyos ang singer na si Fred Panopio na sumikat noong dekada ’70.
Sinabi ng pamangkin ni Panopio na si Joy Esguerra Panopio sa isang interview na cardiac arrest o atake sa puso ang ikinamatay ng singer.
Nalagutan ng hininga si Panopio bandang alas-3:00 ng hapon ng Huwebes.
Mas natatandaan si Panopio sa mga hit song niyang Pitong Gatang, Markado, Tatlong Baraha at Kawawang Cowboy.
Noong 1999, inilabas nila ng kapwa singer na si Victor Wood ang isang album na may titulong Certified Jukebox King. Aktibo siya sa showbiz hanggang noong 2004 kung saan kabilang na ang isang album compilation na tinatawag ding Pitong Gatang.
Bukod sa pagiging musikero, lumabas din si Panopio sa pelikula mula noong mga 1960 hanggang 1990. Nakasama niya sa ilan sa mga pelikulang ito ang mga yumao nang sikat na artistang sina Da King Fernando Poe Jr. at Jess Lapid Sr.
Nakahimlay sa kasalukuyan ang bangkay ni Panopio sa Greenpark sa Pasig City.