MANILA, Philippines - Wala raw planong mag-endorso ng kahit sinong pulitiko ang balo ni Da King Fernando Poe Jr. na si Ms. Susan Roces.
Ayon sa isang ka-tsika ko kahapon, mas feel daw mag-farm sa Batangas ni Ms. Susan kesa makigulo sa pulitika.
Marami sanang nag-aabang sa paglabas ni Ms. Susan at kung sinong presidentiable ang itataas niya ang kamay.
* * *
Naaliw ako sa grupong Ladlad. Ladlad as in mga literal na nagladlad ng kanilang mga totoong kasarian – mga bading at tomboyita na bumuo ng grupo para sa darating na eleksiyon. Kaya tiyak na maraming makaka-relate na mga kafatid sa showbiz sa kanilang misyon.
In fairness, isa lang sila sa iilang Party List group na may inilatag na plataporma. Actually matagal na nilang gustong magkapa-puwesto pero maraming kontra sa grupo nila dahil immoral ang tingin sa kanila. Pero kinatigan sila ng Supreme Court last April 8 kung saan lumabas ang finality ng accreditation ng kanilang grupo.
“Hindi na kami Laglag, Ladlad na po kami. At dedmahin ang COMELEC pag tinawag kaming ‘immoral.’ At dedmahin si Bishop Iñiguez pag tinawag kaming abnormal,” sabi ni Danton Remoto, chairman ng Ang Ladlad Party List tungkol sa mga negatibong comment sa kanilang grupo.
“Ano po ang plataporma ng Ladlad? Pantay na karapatan para sa lahat. Kami po’y nagbabayad din ng buwis at mamamayan din ng bayang ito. Pero hindi namin nararamdaman ang equal protection na ibinabandera ng ating Konstitusyon,” tungkol sa karapatan nila sa lipunan.
“At ano naman po ang aming mga programa?
“Una, pag-file uli ng Anti-Discrimination Bill na ginagawang kriminal ang pang-aapi sa mga lesbians, gays, bisexuals at transgenders. Makikita ang pag-mamaltratong ito sa trabaho, eskuwelahan at pagkuha ng lisensiya sa trabaho at pagbubukas ng negosyo.
“Magtayo ng mga Golden Gays (Homes for the Elderly LGBT) at centers na may legal aid, counseling, library, information on HIV-AIDS at LGBT issues,” say ni Danton.
Hmmm. Interesting ito.
Marami akong kaibigang bakla at tongril na pagtanda ay walang kumakalinga. Marami ring bahagi ng showbiz ang kabilang sa kanilang liga.
At heto ang pinaka the height. Nag-deklara ang grupo ng third sex na si Sen. Noynoy Aquino ang kanilang susuportahang presidente at si Mayor Binay ang bise – NoyBi.
Lagot. Paano si Sen. Mar Roxas na runningmate ni Sen. Aquino bilang bise presidente? May masasabi kaya rito si Madam Korina Sanchez?
O true kaya ang tsismis na magba-back out sa pagka-presidente si dating pangulong Joseph Estrada at mapupunta si Mayor Binay kay Sen. Noynoy? Paano uli si Sen. Mar?
Kaloka talaga ang pulitika. Daig pa ang teleserye, parang fantaserye.
Teka bakit ba pulitika ang usapan? Kasi parang showbiz din sila. Besides walang malaking kuwento sa showbiz ngayon. Paulit-ulit na lang.
* * *
Nagulat naman ako na kasama ni Andi Eigenmann si Bebong Muñoz, ex-boyfriend ni Jolina Magdangal nang mag-sign ng contract ang young actress sa pag-aaring kumpanya ni Mother Lily Monteverde, Regal Films the other night.
Yun pala, kasama sa management team ni Andi si Bebong. Yup, kasama siya sa isang grupo ng celebrity marketing na humahawak sa career ni Andi.
Pero siyempre, wala nang nag-attempt magtanong sa kanya tungkol kay Jolina na mas kilala ngayong local version ni Lady Gaga.