Singing contest nasa Internet na rin!

MANILA, Philippines - Ang hilig ng mga Pinoy sa pagkanta ay lalong magiging kapana-panabik dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nasa Internet na ang isang singing competition na kagigiliwan ng lahat.

X-play Online Games, Inc. (X-Play), ang casual games division ng nangungunang online gaming publisher IP e-Games Ventures, Inc. (e-Games), ang maglulunsad ng Superstar, isang online game na magbibigay ng pagkakataon sa mga may angking talino sa pag-awit para sumikat.

Inanunsiyo ng X-Play ang Superstar noong nakaraang April 10 sa Domination IV, e-Games’ grand annual celebration sa SMX Convention Center, Mall of Asia Complex. Sa darating na May ay pormal na itong ilulunsad bilang first online singing com­petition at videoke sa bansa.

At kung pag-awit din lamang ang pag-uusapan, sino pa ang karapat-dapat na endorser ng Super­star kundi ang pina­kama­tagumpay na produkto ng singing contest at Pop Princess na si Sarah Geronimo? Bilang en­dor­ser ay aawitin ni Sarah ang theme song ng Superstar na pinama­gatang This is My Dream.

‘‘Dahil sa laki ng impluwensiya ngayon ng YouTube at MySpace kung saan ay maraming talento ang nadiskubre, ang Superstar na inayos ng husto ng Shanda Interactive Entertainment ay magsisilbing plataporma para mabigyan ng break ang mga unknown singing stars ng bansa,’’ paliwanag ni George Royeca, X-Play’s chief ope­rating officer.

Ilulunsad din ngayon 2010 ng X-Play ang Band Master, na gawa ng Yedang Online. Ang ha­ngarin naman ng Band Master ay maka­dis­kubre ng mga virtual musicians. Malaki ang po­sibilidad na magkaroon ng isang TV show ang e-Game na ito na pasisimulan ng mga sikat na band leaders ng bansa.

Ipakilala rin muli ang Audition Dance Battle, isang multi-player online casual rhythm game na gawa ng T3 Entertainment. Ang Pop Girls ng Viva Entertainment ang magiging endorser ng nasabing online game. Bahagi ng kanilang en­dorsement ang paglalabas ng isang repackaged edition ng kanilang self-titled dance album kung saan makakasama ang bagong theme song ng Audition Dance Battle.

Pasisinayaan din ng X-Play ang Pro Gaming League (PGL), ang first online game tournament organization na magdidiskubre ng pinaka­magaling na “cyberathletes” ng bansa kung saan ay magiging kabahagi sila ng televised online gaming tournament at may pagkakataon pang manalo ng isang milyong piso.

Ang hangarin ng PGL ay pagsamahin ang pinakamagagaling na players ng OP7, ang first person shooting ng X-Play, at Defense of the Ancients o DotA.

Show comments