Tama ’yung sinabi ni Cristy Fermin noong Linggo ng hapon, bago pa sila magpaalam nina Ruffa Gutierrez at Dolly Ann Carvajal sa second episode ng kanilang bagong palabas sa Kapatid network na Paparazzi, magaling na host ng kanilang programa si Ruffa.
Hindi lang siguro sa punto ng pagbabalita genuine ang emosyon na ipinamamalas ng beautiful host kapag may mga pinasasabog na balita ang dalawa niyang mga kasamahan. Bago pa ang kanilang manonood, una na itong nasa-shock at hindi siya nahihiyang ipamalas ito.
“Ako kasi I just interview celebrities, ’yung mga kabali-balitang artista, ’yung mga may issues pero si ’Nay Cristy at si Dolly Ann, bilib ako, ang bilis kumuha ng mga balita tapos nakaka-scoop pa sila. What I mostly fail to recognize na puwedeng maging isang intriga or controversy I usually treat as ordinary entertainment news lang, ’yun pala puwedeng pag-usapan at pagkaguluhan. Dito pumapasok ’yung pagiging writer nila na mabilis humanap ng news at madaling maka-recognize nito,” pag-amin niya.
Sa Paparazzi, unti-unting nagbu-bloom ang dating beauty queen. Tama lang na umalis siya ng The Buzz dahil doon ay wala siyang chance na mag-shine. Hindi lang dahil hindi siya papayagan ni Kris Aquino, talaga lang nasa nature na ng babaeng host ng programa ng ABS-CBN na mag-shine and in the process, maiwang nag-iisip ang kanyang lady co-host kung saan ba siya may pagkukulang. Ewan ko lang kung magagawa niya ito kay KC Concepcion pero that is what and who Kris Aquino is.
Bagay si Ruffa sa bago niyang programa na hindi news kundi intrigue-oriented. This is what makes Paparazzi a lot different from The Buzz ng ABS-CBN and Showbiz Central of GMA 7. Ang mga blind items nila na kulang na lang sabihin ang pangalan ng mga artistang pinag-uusapan na noong una ay tinukoy nilang mga bakla at nitong Linggo naman ay sinabi nilang naging kabit ng bakla ay kaabang-abang.
Sila ba o ang kanilang mga writers ang gumagawa ng ganito? Gaano ba kalaking input ang ibinibigay nila sa produksyon?
Magandang desisyon ang pagsali ni Ruffa sa Paparazzi. Dito kasi hinahayaan siyang mag-shine nina Cristy at Dolly Ann na hindi naman alangan dahil sa kanya dapat manggaling ang glamour, kina Cristy at Dolly Ann ang kulay at init ng programa.
* * *
Nakita n’yo na ba ang teaser ng Impostor ng ABS-CBN? Ewan ko kung drama series ito o sitcom dahil napaka-serious ng pagpasok nina Sam Milby at Maja Salvador at parang nagbibigay pa nga ng image of fantasy pero pagpasok ni Melai Cantiveros na nakasuot ng gown na kapareho ng suot ni Maja ay parang biglang sumabog ang eksena, naging nakakatawa.
Pero kung layunin man ng bagong programa na makuha ang atensyon ng mga manonood, wagi sila, lalo’t matagal nang hinihintay ng mga Melason fans ang unang serye na pagsasamahan nila. Nagsimula na silang masabik, lalo’t nabalitang may kissing scene ang babaeng taga-Gen San sa Fil-Am na si Sam.
* * *
Magsasagawa ng isang fun run ang Pilipino Star Ngayon na tinatawag nilang Fun Run For a Cause Bigay Todo sa Pagtakbo sa May 15, simula 5 a.m. sa SM Mall of Asia Grounds.
Malalaking premyo ang nakataya para sa kategoryang sasalihan. Sa 3k at 5k, 1st prize, P5,000 plus gift packs; 2nd, P3,000 plus gift packs; at ang 3rd to 5th place finishers ay may mga gift packs. Sa 10k, 1st prize, P7,000 plus gift packs; 2nd, P5,000 plus gift packs; at 3rd to 5th placers, gift packs.
Magsisimula ang 10k run ng 5:45 a.m.; 5k, 5:55 a.m.; at 3k, 6 a.m.
Nagsimula na ang online registration sa www.running mate.ph noong Linggo, April 18. Puwede pang magparehistro sa mga sumusunod na outlets: ROX, Bonifacio St., The Fort; Chris Sports, SM North EDSA, SM Megamall, SM Mall of Asia, at SM Sucat.
Ang pondo na malilikha sa fun run na ito ay gagamitin bilang pantustos sa Adopt-a-School program ng Operation Damayan, ang umbrella social group ng Star Group of Publications, na mabibiyayaan ang mga eskwela tulad ng San Isidro Elementary School, Naguillan, La Union na nasira ng bagyong Pepeng. Sa tulong ng pondo na kikitain sa fun run, balak ding magtayo ng two classrooms at isang library para sa 150 mag-aaral.
Para sa ibang detalye, mangyaring tumawag kay Mylene Amahit sa 527-6852 at Nikki Cordero, 521-3995.
For payments, maaaring magbayad sa BDO 2588-011-642 at BPI 004993-0220-85.