Nagkasalubong kami ni Paolo Bediones sa Promenade kamakailan. Nagkakuwentuhan kami sumandali. Nasabi niya na pagkatapos ng Survivor, naghintay siya ng kasunod na project sa Kapuso Network pero wala raw dumating. Kaya gumawa siya ng isang malaking desisyon na hindi niya inaasahan na kahit nagbibigay sa kanya ng mas mabigat na responsibilidad, appreciated niya dahil hindi siya allergic sa work, ito talaga ang hanap niya at nakita niya ito sa TV5 na kung saan bukod sa may show na siya ay humahawak pa siya ng isang mataas na posisyon sa network. Masaya siya na hindi siya nagkamali ng desisyon.
Congrats, Paolo!
* * *
Sa mga gustong mag-manage ng mga artista, go ahead, masayang trabaho ito kahit maproblema. Ibang high kapag nakakapagpasikat ka ng artista. Pero dapat pasensiyoso ka, hindi madaling magpasikat ng artista. It takes time to build them up. Bibihira ang nagiging overnight sensation, kaya naman maraming artista ang may matagal na kontrata sa kanilang manager, paano hindi naman ganun kadali ang mag-build up, matagal mag-bloom ang maraming wannabes. Imaginen n’yo na lang na wala tayong Robin Padilla o Rudy Fernandez kung agad sumuko ng pagbi-build up sa kanila si Direk Deo Fajardo.
* * *
Totoo bang minamadali na ang pagtatapos ng Habang May Buhay? Eh ‘di ba talaga namang matagal na itong tapos, kaya hindi na ito makakaapekto pa sa pagbubuntis ni Judy Ann Santos.
In fairness to Juday, maganda ang serye niya. Nakapagtataka nga kung bakit matagal ito bago iniere. Kahit anong panahon, papatok naman ito.
Intriga na naman siguro ang pagsasabing madadali ang pagpapalabas nito.
* * *
Marami nga pala ang nagtatanong ng ka-partner si Jake Vargas sa First Time o magiging unwanted third na lamang siya sa tandem nina Lukas (Joshua Dionisio) at Cindy (Barbie Forteza).
Sa mga nagtatanong, hindi ko alam kung ano ang plano para kay Jake ng mga nasa likod ng kanilang serye. Kung bibigyan siya ng sarili niyang kapareha o makikipag-agawan na lamang siya kay Joshua sa atensiyon ni Barbie. Ang mahalaga naman kahit wala siyang kapareha, gusto naman siya ng manonood. ‘Di ba ito lang ang mahalaga?