Masaya ang presscon kahapon ng bagong Working Girls dahil iba’t iba ang mga karakter ng mga bidang artista.
Ikinuwento ni Ruffa Gutierrez na muntik nang bawiin ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) noong 1993 ang kanyang Bb. Pilipinas-World crown. Hindi natuloy ang pagbawi dahil nagbanta ang kanyang nanay na si Annabelle Rama na aawayin nito ang organizer ng beauty pageant.
Paano kung hindi umalma noon si Bisaya? Ang BPCI din ang mapapahiya dahil nag-win noon si Ruffa sa Miss World na ginanap sa South Africa. Siya ang nanalo ng Miss World 2nd Princess title.
Tandang-tanda ko pa na nag-motorcade noon si Ruffa nang dumating ito mula sa South Africa at nag-blow out siya sa Bistro Lorenzo, ang restaurant sa Greenhills na paboritong hang-out ng mga celebrities.
Siksikan sa Bistro Lorenzo sa rami ng mga tao na gustong makita si Ruffa at magpakuha ng litrato na kasama siya.
* * *
Hindi dumating si Cristine Reyes sa presscon ng Working Girls kaya sa mga promo guestings niya, ang pang-iindyan sa presscon ang itatanong sa kanya.
Knowing Cristine, sinadya nito na huwag umapir sa presscon para hindi na siya kulitin ng mga reporters tungkol sa love affair nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Nagsalita na si Cristine sa Startalk noong nakaraang Sabado na matagal na silang hiwalay ni Dennis kaya hindi siya affected sa panliligaw ng ex-dyowa kay Jennylyn. Nagsalita na nga siya ng good luck ’di ba?
* * *
Kaliwa’t kanan ang trabaho ni Eugene Domingo pero hindi ito naririnig na nagrereklamo dahil masaya siya sa kanyang ginagawa.
Maagang dumating si Eugene sa presscon ng Working Girls, hitsurang kulang ang kanyang tulog dahil may pinanggalingan pa siyang trabaho.
Babaeng walang pahinga si Eugene dahil tatlo ang kanyang regular TV show sa GMA 7 at may mga pelikula pa siya na gagawin. Kung ganito kaabala ang isang babae na kagaya ni Eugene, hindi nga niya mararamdaman na wala siyang lovelife.
* * *
Nagpasya na ako na ang Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) ang party list na susuportahan ko sa darating na eleksiyon, lalo na nang malaman ko na ito ang ipinangangampanya ni former Manila Congressman Miles Roces.
Si Manny Pacquiao ang chairman ng PBA Party List pero busy siya sa pangangampanya niya sa Saranggani kaya si Miles ang punong-abala. Itinatag ni Manny ang PBA para sa kapakanan ng mga atletang Pilipino.
Nalaman ko na ang PBA ang ipinangangampanya ni Miles nang magkita at magkuwentuhan kami kahapon. Si Miles pa ang nagulat dahil alam na alam ko na number 167 sa listahan ang PBA.
Ikinuwento sa akin ni Miles na napilit siya ng produ ng GMA Films na magkaroon ng cameo appearance sa You To Me Are Everything.
May shooting na si Miles para sa pelikula nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Linggo pero hindi pa niya alam ang papel na gagampanan.
* * *
Gustuhin man ni Manny na maging active sa pangangampanya para sa kanyang party list, hindi niya magawa dahil kumakandidato rin siya na congressman sa Saranggani.
Hindi man siya makapaglibot sa buong Pilipinas, hindi nakakalimutan ni Manny na banggitin ang PBA sa kanyang mga campaign sorties.