Hanggang ngayon, kapag pinatutugtog ko ang record ni Sheryl Cruz ay marami pa rin ang nagtatanong kung sino ba ang ghost singer niya. Nineteen kopong-kopong pa ho ito, nung bago pa lamang siya sa That’s… Nakapag-aral na siyang kumanta. Katunayan, may record na siyang naging gold. May bago na naman siyang recording at boses na niya ang ginagamit niya. In fairness nakakakanta na siya, sa maniwala kayo’t sa hindi.
Wala naman sigurong Cruz na hindi marunong kumanta. It took Sheryl more time na matuklasan ang talent niyang ito pero natuklasan naman niya. Hindi man siya sumikat as a singer, sumikat siya bilang magaling na artista.
* * *
Nakikidalamhati ako sa pagpanaw ni Palito. Isa siyang mahusay na komedyante.
May mga nagri-request na ilagay ko siya sa Walk of Fame Philippines. In due time makaka-join din siya rito. Meron nga lamang mga una nang naka-sked. Once a year lang naman kasi akong magdagdag ng name. Paano naman, hindi biro ang gastos dito. Kaya nga ako nagpa-fund raising para panggastos dito. Butas na kasi ang bulsa ko. Hindi ako nagrereklamo, nasasabi ko lang para sa kapakanan ng marami na akala, basta-basta lang imintina nito.
Sa mga pamilya ni Palito, huwag kayong mag-alala, makakasama rin siya rito.
* * *
Marami ang nagsasabi sa akin, tumatawag sa radio program ko at nagti-text para lamang mag-comment sa itsura raw ni Claudine Barretto. Masyado raw itong mataba, kailangan nitong magbawas ng timbang.
Nahalata rin daw nila na iniaangat ang asawa niyang si Raymart Santiago at her expense. Ganun ba? Hindi ko kasi napanood ang unang episode ng Claudine, nasa labas kasi ako. Pero kung totoo ngang mataba sa screen si Claudine, she has to do something about it. Ayaw naman siguro niyang maging pre-mature ang kanyang pagtanda.
Itinatanong nga pala nila kung totoong pagpaparehahin sila ni Richard Gutierrez. Worried sila kung kakagatin sila ng manonood. Batid kasi ng lahat na may asawa na si Claudine.
* * *
Tingnan mo nga naman, napakaliit lang ng mundo ng telebisyon. Yung dating magkakaaway, magkakasama na ngayon sa trabaho. True kaya na bati-bati na sila o pinepeke lamang ang kanilang closeness?
Laban-laban din ngayon sa mga celebrity talk shows, sana ang mga hosts bati-bati na.Trabaho lang ang pairalin at huwag ang emosyon.