MANILA, Philippines - Mula pagkanta, pagsayaw, at hanggang sa pagma-magic, muli na namang pinatunayan ng mga Pinoy na world class ang ating talento sa nakaraang episode ng talent-reality show ng ABS-CBN na Pilipinas Got Talent.
Pasok sa panlasa ng mga hurado ang rappers na sina Crimson Uiayon, 20 taong gulang mula Davao City, at grupong Baguio’s Pride mula Baguio City.
Hindi naman nagpahuli ang mga Batangueño ng umariba ang kanilang mga pambato pagdating sa dance floor. Napabilib ng 17 taong gulang na si Shazad Ahmed Khan ang mga manonood sa kanyang contemporary dance routine habang humataw naman ang grupong Crew Mechanix sa kanilang swabeng hip hop moves.
Kung pagma-magic naman ang usapan, namayagpag sa mga hurado ang tubong Malabon na si Joseph Sempao, 43, ng ipamalas niya ang kanyang husay sa mahika gamit ang pingpong ball at dyaryo.
Muli’y pinatunayan din ng Pilipinas Got Talent na wala itong pinipiling edad o kondisyon ng tao basta mayroon itong hindi matatawarang talento.
Nakakuha ng tatlong yes ang walong taong gulang Bicolanong si Joachin Diaz sa kanyang mahusay na pagsayaw gamit ang iba’t ibang genre tulad ng ballroom at modern dance.
Samantala, bagamat may kapansanan ang 11-taong gulang na si Carl Malone Montecido, pasok na pasok pa rin siya sa susunod na round ng napukaw ang lahat sa kanyang madamdaming pag-awit ng Isang Lahi. Maging ang huradong si Ai Ai Delas Alas ay hindi na napigilang mapaluha sa inspirasyong hatid ng batang simula ipinanganak ay hindi na nakasilay ng liwanag.
Isa na kaya sa kanila ang makakapasok sa semi-finals?