Masuwerte ang TV5 kay Judy Ann Santos. Itsurang buntis, umapir si Juday sa birthday celebration kahapon ni Ryan Agoncillo sa PO5. Nanood din siya ng taping birthday celebration ni Ryan sa Talentadong Pinoy na ipinalabas kagabi.
Contract star si Juday ng ABS-CBN pero siya lang ang artista na can afford na lumabas sa mga rival network. Pinuntahan din ni Juday ang birthday celebration ni Ryan sa Eat Bulaga noong Sabado. She’s enjoying the best of both worlds ‘huh!
* * *
Pinanood ko kahapon ang pilot telecast ng Paparazzi at naalaala ko ang unang airing noon ng Startalk mula sa Ciudad Fernandina na matagal nang nagsara.
May mga technical problem ang Startalk at ganoon din ang Paparazzi na live na napanood mula sa Events Place sa Morato, QC.
Nag-enjoy ako sa mga kakikayan ni Ruffa Gutierrez at ang mga maanghang na pahayag ni Cristy Fermin tungkol kay Kris Aquino. As usual, lumabas ang pagiging witty ni Dolly Anne Carvajal.
Na-late lang ng thirty minutes ang airing ng Paparazzi dahil nag-overtime ang PO5 na 3:00 p.m. na nang matapos. Sumakit ang ulo ko sa panonood ng PO5 dahil sa rami ng mga artista na hindi ko kilala.
* * *
Agree ako sa obserbasyon na madaling ma-in love si Dennis Trillo sa mga girl na nakakatrabaho niya.
Nag-umpisa ang love affair nila ni Cristine Reyes nang magkasama sila sa isang teleserye ng GMA 7.
Nanligaw si Dennis kay Pauleen Luna nang magkatrabaho rin sila sa another teleserye ng Kapuso network. Nauwi sa wala ang panunuyo ni Dennis dahil umayaw si Pauleen.
At ngayon, exclusively dating sina Dennis at Jennylyn na nagkalapit sa set ng Gumapang Ka Sa Lusak. Halatang-halata na kinikilig si Jennylyn kapag si Dennis ang pinag-uusapan. Hindi niya puwedeng i-deny na in love siya sa kanyang kapareha sa Gumapang Ka Sa Lusak.
* * *
Ngayon ang araw na magkakaalaman kung alin sa mga show nina Claudine at Gretchen Barretto ang nag-rate noong Sabado.
Maingay na maingay ang pagtatapatan ng MMK ni Gretchen at ng Claudine noong Sabado.
Malalaman ngayon kung alin ang mas pinanood ng televiewers dahil tuwing Lunes lumalabas ang mga rating ng mga show noong Biyernes, Sabado at Linggo.
* * *
Bilib ako sa pagiging open-minded ng tatay ni Raven Villanueva. Tanggap niya ang pagiging webcam model ng kanyang anak.
Painter kasi ang tatay ni Raven kaya tanggap nito ang pagiging artist ng kanyang anak. Very lucky si Raven dahil hindi siya hinusgahan ng tatay niya.