MANILA, Philippines - Mainit ang panahon pero hindi ito dapat maging hadlang para tayo, lalo na ang mga kabataan, ay mag-enjoy lalo’t bakasyon sila sa eskwela.
Sa Life and Style With Gandang Ricky Reyes ngayong Linggo, alas-diyes hanggang alas-onse nang umaga, ay ipapasyal tayo ni Mader Ricky Reyes sa kanyang “paraiso” — ang Golden Sunset Resort Inn and Spa sa Barangay Uno, Calatagan, Batangas.
Pamoso ang lugar na ito dahil sa apat na swimming pool, Butterfly Farm, Bicycle Area, Souvenir Shop, apat na restaurants na iba-iba ang pagkaing matitikman sa halagang kayang-kaya ng bulsa, isang museum kung saan naka-display ang mga antigong palamuti at kasangkapang nahukay sa Calatagan, maayos na cottages, seminar room, at mga well trained na masahistang makakalunas sa ating mga pagod na katawan.
Ibabalita rin ng magaling at premyadong aktor na si Pen Medina ang kanyang acting workshop para sa mga kabataan.
Magtuturo si Regine Tolentino ng mga ehersisyo sa Gandang Body at matutunghayan din ang mga napapanahong ayos ng buhok sa Great Hair Day.
Magbibigay pa si Mader ng mga eskwelahang maaaring puntahan kung nais n’yong matuto ng scientific and safe na paglangoy.
At para hindi mainip ang mga batang bakasyonista, meron ding isa-suggest ang Life and Style With Gandang Ricky Reyes na mga nagtuturo ng pagguhit, pagpipinta, at martial arts gaya ng karate, kickboxing, taekwondo, atbp.
Samantalahin ang inyong bakasyon-grande para mamasyal, kumain, magsaya, at magdagdag ng kaalaman. Sa totoo lang, marami talagang paraang magagawa para hindi magmukmok at malungkot ngayong summer!