MANILA, Philippines – Iba-iba ang pananaw nila sa tunay na estado ng bansa, at iba-iba rin ang pamamaraan nila para ipakita sa pelikula. Gayunpaman, nagkakaisa ang 20 directors ng proyektong amBisyon2010 ng ANC (ABS-CBN News Channel), na may pag-asa pa sa bayan sa darating na halalan sa Mayo 10.
Binubuklod ng pagmamahal sa bayan at sa paggawa ng pelikula, nagsanib-puwersa ang mga direktor kabilang sina Brillante Mendoza, Erik Matti, Jeffrey Jeturian, at Raymond Red para gumawa ng tig-isang maikling pelikula tungkol sa mga isyu sa bansa sa amBisyon2010.
Nagkaaberya kamakailan lang ang amBisyon2010 nang patawan ng X rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang dalawang pelikulang kasama dito – ang Ayos Ka ni Mendoza at Ganito Tayo Ngayon, Paano na Tayo Bukas? ni Jeturian – na ikinabahala ng mga direktor.
Iniurong na ng MTRCB ang X-rating sa Ayos Ka, isang music video na nagpapakita ng mga imaheng taliwas sa magagandang lyrics ng kanta tungkol sa Pilipinas. Samantalang kinatigan naman ang naunang desisyon para sa pelikula ni Jeturian na sinusundan ang isang diyaryo na may headline tungkol sa magandang ekonomiya diumano sa bansa mula sa oras na dineliber ito sa isang bahay hanggang gamitin itong pamunas ng dumi ng tao ng isang nagkakariton na lalaki.
Ngayong Martes (Abril 6) ay tuloy pa rin ang pagsasama ng 20 direktor sa engrandeng theatrical premiere ng mga pelikula sa Cultural Center of the Philippines.
Ayon kay Mendoza, isang malaking hamon ang hinaharap natin sa panahong ito. “Maraming maaaring mangyari. Pipili tayo ng bagong pinuno kaya’t hindi tayo pupuwedeng magkamali,” aniya.
“Landmark year” kung tawagin naman ni Ellen Ramos ang taong 2010. “Isa itong malaking oportunidad para patunayan natin na natuto na tayo sa ating mga pagkakamali,” pahayag niya.
Si Kiri Dalena naman, na unang beses boboto ngayong taon, ay sinusubukang maging positibo kahit na walang napupusuang kandidato sa pagkapangulo. Tulad niya, hindi rin katiwa-tiwala ang mga presidentiables para kay Matti.
“Lahat ng choices na naiwan sa atin, ’yung presidentiables — latak,” prangkang sabi ng direktor.