Depensa ng doktor niya: Jacko nagpakamatay

MANILA, Philippines – Pinatay ng King of Pop na si Michael Jackson ang kanyang sarili dahil sa mga iniinom niyang droga.

Ito umano ang inihahandang depensa ng mga abogado ng doktor ni Jackson na si Dr. Conrado Murray na isinasabit ng mga awtoridad sa pagkamatay ng singer noong nakaraang taon.

 Nabatid sa iba’t ibang impormasyong nasagap ng TMZ na kabilang sa argumentong ilalatag ng kampo ni Murray ang pagbigay niya kay Jackson ng 25 mg ng Propofol mula sa isang 20 ml bottle na katumbas lang ng 1/8 ng isang bote noong umaga ng Hunyo 25, 2009. Ang naturang dosage ay makakapagpatulog sa isang tao sa loob ng lima hanggang 10 minuto. Pero dahil kasabay ng Profopol ang Ativan at Versed na nasa sistema na ng katawan ni Jackson, makakatulog nang napakatagal ang singer.

Ayon kay Murray, bandang tanghali nang lumabas siya saglit sa kuwarto ni Jackson para pumunta sa banyo at hinihinalang, habang nasa labas siya, nagising ang singer na nadismaya dahil naubos ang siyam na oras sa pagsisikap niyang makatulog. Ang teorya ng depensa, ininom ni Jackson ang 20 ml na bote ng Propofol at ininiksiyon sa sarili ang natitirang laman sa pamamagitan ng IV. Ang massive overdose na ito ang nagpahinto sa puso ng yumaong singer.

Igigiit ng depensa sa korte na matagal nang adik sa Profopol si Jackson.

Show comments