Hinayang na hinayang ang isa kong kakilala na avid fan ni Tom Jones dahil talagang pinag-ipunan pa niya ang ipampapanood niya sa British singer na naging isang malaking singer nung 60’s pero hanggang ngayon 69 na siya ay isa pa ring in demand na performer sa Las Vegas.
Sabi nga ng friend ko, nagpapasalamat siya na kakanta dito si Tom Jones nang hindi pa uugud-ugod, di tulad nina Frank Sinatra at Andy Williams na hindi na makalakad ng stage nang mag-concert dito.
Pero in fairness, ang boses nila hindi pa rin nagbabago, ganun pa rin ang timbre nung kasikatan nila.
May sakit daw si Tom Jones, sabi ng kanyang doctor. Katunayan, hindi na nito maipagpapatuloy ang kanyang Asian tour na kung saan ay kasama sana sa itinerary niya ang Pilipinas. Sa Singapore nga, nakadalawang kanta lang siya at hindi na niya naipagpatuloy pa.
Tsk. Tsk. Tsk. Marami nang foreign artists na dumayo ng bansa pero pinipili lang ng friend ko ang papanoorin niya. Gusto niya yung ka-contemporary niya.
Kay Justin Timberlake nga di siya na-excite dahil bagets ito at ‘di niya alam ang mga kanta nito.
Mananatiling isang pangarap na lamang sa kanya si Tom Jones.
* * *
Big deal talaga sa US ang pang-oonse ng asawa. Kung dito sa ‘Pinas ay ordinaryong bagay na lamang yung pangangaliwa ng lalaki sa kanyang asawa, sa ibang bansa hindi yun katanggap-tanggap.
Malaking kabawasan sa popularidad ng champion golfer na si Tiger Woods ang pagkakadiskubre na may babae siya.
Kinailangan pa niyang mag-lie low sa golf. Milyon din ang nawala sa kanya.
Naging malaking usap-usapan din ang paglantad ng mga babae ng asawa ni Sandra Bullock na naging dahilan ng pag-iwan ng aktres sa kanyang asawa na isa ring artista.
Sa ngayon, kinokondena ng lahat si Jesse James, asawa ng aktres at mahirap nila itong patawarin sa ginawa niya kay Sandra.
Ang maaapektuhan ng malaki sa nangyari ay ang mga anak ni Jesse na kasama nila sa bahay ni Sandra at nakagiliwan na ng aktres.
* * *
Amused pala si Binoe (Robin Padilla) sa dalawang importanteng guests na bumisita Ng kanyang bahay recently. Nakita niya kung gaano ka-natural sina Melissa Cantiveros at Jason Francisco (Melason) na hindi naitago ang kanilang paghanga sa action star na itinuturing na movie idol ni Jason.
Para silang mga promdi na kulang na lamang ay mapahiyaw sa ganda ng pakikitungo na ipinakita at ipinaramdam sa kanila ng actor. It was a chance of a lifetime lalo na kay Jason, lalo na nang bigyan siya ni Binoe ng isa sa mga kinokolekta nitong jacket for a souvenir. Sinabi ni Jason na hindi niya ito isusuot para hindi maluma, masira at magtagal, kung puwede ay habang buhay na niya itong itatago.