May bagong show na kinalolokohan ang mga kasambahay ko, ang Face to Face ni Amy Perez sa TV 5.
Type na type nila na panoorin ang pagsasabunutan at pagtatalakan ng mga bisita na pinaghaharap ni Amy.
Masang-masa kasi ang concept ng show ni Amy kaya hindi na ako na-shock nang makita ko na aliw na aliw sa panonood ang aking mga kasambahay.
Kung gusto ninyo na makakita ng mga eksena na nagsasabunutan at nagmumurahan, watch ninyo ang nakakaloka na morning show ni Amy. Nakakaloka talaga!
* * *
Bukas na pala ang Universal Studios sa Singapore at napuntahan na ito ng ibang staff member ng Startalk.
May kalaban na ang Hong Kong Disneyland sa mga amusement park na dadayuhin ng mga Pilipino.
Kesa mag-apply ng US visa para makapamasyal sa original Universal Studios, pupunta na lang ang mga Pinoy sa Singapore. Mas malapit na, makakatipid pa sila sa gastos.
* * *
Back to normal ang lahat dahil tapos na ang mahabang bakasyon. Nag-umpisa na uli sa pangangampanya ang mga kandidato kaya maingay na naman ang mga kalye.
Wala pang malaking showbiz news dahil nag-behave rin ang mga artista. Nagpahinga rin sila mula sa mga intriga at kontrobersiya!
* * *
May hinihintay ako na big news. Kung ano, hindi ko pa rin alam pero sumumpa ang aking kausap na ako ang unang makakaalam sa malaking balita na sinasabi niya.
Nag-promise ang aking source na malalaman ko ang big news sa linggong ito at promise, may-I-share ko sa inyo kung anuman ’yon!
* * *
The who si Adam Carolla? May nagkuwento sa akin na nilait-lait ni Adam si Manny Pacquiao at ang ating bayan.
Hindi ko pa naririnig ang mga panlalait ni Adam na isa raw broadcaster sa Amerika. Bago ako mag-react, kailangang marinig ko muna ang mga pang-ookray niya kay Manny at sa mga Pilipino. Mahirap sumawsaw sa isang isyu na wala akong enough knowledge. Saka isang Adam lang ang kakilala ko, ang Adam na dyowa ni Eve!
* * *
Nasalubong pala ng grupo ni Georgina Wilson ang mga Thai na nag-rally sa commercial district ng Bangkok noong Linggo.
Nagkataon na nasa Bangkok si Georgina at ang kanyang friends nang maganap ang malaking kilos-protesta. Rarampa sana sa mall ang grupo ni Georgina pero nagtatakbo sila nang makasalubong nila ang mga nagpoprotesta.
Wala pa akong balita sa tao na nag-promise na papasalubungan ako ng mangga mula sa Bangkok. Hindi ko alam kung nakabalik siya sa Pilipinas dahil ang hotel na tinuluyan niya sa Bangkok ang isa sa mga pinaligiran ng mga protesters.