Kapansin-pansin ang mahusay na pagsagot ni Sarah Geronimo sa mga tanong sa presscon na ipinatawag para sa kanilang dalawa ni Sen. Loren Legarda. Very truthful din si Sarah na nang tanungin siya kung gusto rin niyang kumandidato, sagot niya, “why not, kung loloobin po ng Diyos na magkaroon ako ng enough knowledge, siguro po ay magpapaturo ako kay Sen. Loren.” Basta siya raw ay believe sa pagiging totoong tao ni Sen. Loren.
Kaya si Sarah, sa kabila ng busy schedules niya, hindi siya tumatalikod sa mga obligasyon niya bilang endorser nina Sen. Manny Villar, Sen. Loren at si Ms. Joy Belmonte, kandidatong Vice-Mayor ng Quezon City.
* * *
Nakausap namin si Jennylyn Mercado after ng launch ng Party Pilipinas last Sunday at tinanong namin na sila na ni Dennis Trillo ang nali-link ngayon. Totoo ba na kahit wala siyang taping ng Gumapang Ka Sa Lusak, dumarating siya kapag may taping naman si Dennis?
“Hindi po totoo iyon, mas marami nga po akong eksena kaysa kay Dennis, kaya lagi akong nasa taping,” sagot ni Jennylyn. “Nali-link po kami dahil kami ang magkatambal. Ganun po naman, kung sino ang katambal mo, mali-link ka. Kapag nagtambal kami ni Aljur (Abrenica), mali-link din po siguro kami (biro niya, dahil dumaan si Aljur habang magkausap kami).”
Pero later that afternoon, nakita silang magkasamang nanood ng All-Star basketball game sa The Arena sa San Juan City at magkasama rin daw silang umalis after the game.
* * *
Magkahiwalay naming nakausap ang StarStruck V winners na sina Diva Montelaba at Steven Silva, after nilang mag-perform sa Party Pilipinas last Sunday. Binati namin si Diva na okey ang acting niya sa Maynila at biniro siya kung napanood kaya ni Steven ang Saturday morning drama na ilang beses silang nagyakap ng katambal niyang si Rodjun Cruz ng Star Magic? Si Steven na lang daw ang tanungin namin.
Nang lapitan namin si Steven, biniro namin siya na bakit hindi niya lapitan si Diva at nagkasya na lamang siyang tanaw-tanawin si Diva na nasa kabilang table. Napanood ba niya ang Maynila, kumusta ang acting ni Diva?
“Napanood ko po, but the first few scenes lamang ni Diva and she’s okey,” sagot ni Steven.
Kinumusta namin ang show nila ni Mark Herras sa GMA Pinoy TV sa San Francisco, masayang-malungkot daw siya.
Masaya dahil muli silang nagkita ng mommy niya sa kanila sa Sacramento, California. Medyo raw ninerbyos siya bago ang show dahil akala niya, wala pang nakakakilala sa kanya pero nagulat siya na marami na rin pala siyang fans na nagtilian nang kumanta at sumayaw siya.
Biniro nga raw siya ng mga friends niya roon na artista na talaga siya. Nalungkot naman siya nang bumalik ng Pilipinas dahil naiwanan na rin niya ang daddy niya na kasama niya rito noong grand finals ng StarStruck V.
Magkasama sila ng Ultimate winner na si Sarah Labhati sa show nila sa Bacolod, and from there, tutuloy na siya sa mga relatives niya sa Davao para doon magpalipas ng Holy Week.