MANILA, Philippines - Kumpirmado nang pumanaw ang ina ng aktres na si Francine Prieto na si Amelia Falcon. Unang nabalitaan na nasa critical condition ang huli nang mag-post sa Facebook si Francine ng ganito: “’Di nila ma-revive si Mommy!!! Bwiset na pigtail ’yan.”
Ang tinutukoy na pigtail ay ang catheter na ikinakabit sa baga ng isang cancer patient na sumasailalim sa chemotherapy treatment. Ito ang naglalabas ng mga namumuong likido mula sa chemo treatment. Nabanggit noon ng aktres sa kanyang Facebook status na tutol sana siya sa paglalagay ng pigtail o catheter sa baga ng Mommy Amy niya ngunit nasunod pa rin ang gusto ng ina.
Kahapon, Marso 26, bandang alas-singko ng hapon pumanaw si Mommy Amy at kinumpirma ito mismo ni Francine. Sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City na binawian ng buhay ang ina sa edad na 54.
Matatandaang may third stage ovarian cancer ang kanyang ina at sumasailalim sa chemotherapy treatment ng ilang buwan. Naniniwala ang aktres noon na makaka-survive ang kanyang ina sa kanser at humingi pa ng tulong sa mga artistang kaibigan para sa patuloy na pagpapagamot. Naging sensitive pa si Francine sa nakagalit na kapatid at ilang kasama sa showbiz.
Sa ngayon, inaayos mag-isa ni Francine ang burol ng ina.