MANILA, Philippines - Isang matapang at natatanging presidential forum ang ihahatid ng RMN-DZXL dalawang buwan bago ang eleksyon, ang Akma Ka Ba, Mr. Presidentiable?
Simula ngayong March 22, ito ay mapapakinggan sa radio show nina Jake Maderazo at Grace Vergel Mariano na Taumbayan Naman, araw-araw mula 10 a.m. hanggang 12 n.n.
Ang Akma Ka Ba, Mr. Presidentiable? na galing sa Anong Karapatan Mo at Kandidato Ka sa Bayan, Mr. Presidentiable? ay magpapakita ng mga katotohanan sa likod ng mga paninira at mga isyu na kinasasangkutan ng mga kandidato at ng bayan.
“Sinisigurado namin na sa pamamagitan ng segment naming ito, mabibigyan namin ang publiko ng mas maliwanag na pagpapakilala para sa kanilang magiging desisyon kung sino ang dapat mamuno sa ating bansa,” sabi ni Jake.
Sa Akma Ka Ba, Mr. Presidentiable, bawat kandidato ay makikibahagi sa dalawang round ng interview — ang una ay tungkol sa katotohanan (hot campaign issues), habang ang pangalawa naman ay tungkol sa “governance” (platforms).
Bawat session ay tatagal ng 90 minutes. Lahat-lahat, ang mga kandidato ay mabibigyan ng segment ng 180 minutes para kumbinsihin ang taumbayan.
“Ang oras na ito ay magpapakita ng kagalingan at katalinuhan o kawalang-alam ng isang kandidato. Pati na rin kalakasan at kahinaan nito,” dagdag pa ni Jake. “Bilang taga-media, nilalayon namin na makatulong sa publiko na makapili ng tamang kandidato para sa kinabukasan ng bansa.”
Bukod sa mga anchor, mayroon ding mga eksperto na magiging parte ng panel. Magkakaroon din ang mga nakikinig ng pagkakataon para magtanong.