Napakasuwerte naman ni Mon Confiado. Siya ang bagong love ng mga indie filmmakers. Tingnan n’yo na lamang ang mga indie films na pinaggagagawa niya lately — Himpapawid ni Raymond Red, isang nominee for best picture sa Gawad Urian; Estasyon ni Cesar Apolinario; Tulak ni Neal Buboy Tan; at Dukot ni Joel Lamangan.
Ang Two Funerals ni Direk Gil Portes ay kasama sa Cinemalaya filmfest.
Ngayong araw na ito ay maaaring nakarating na siya ng Cebu para sa shooting ng isang pelikula na magtatampok sa Hollywood actor na si Patrick Bergin, siya ’yung kapareha ni Julia Roberts sa Sleeping With the Enemy.
Si Mon ang main support sa pelikula at kinailangan niyang magpapayat for his role in the film na dalawang direktor ang magtutulong na gawin, sina Cesar Apolinario, ang news reporter ng GMA 7, at ang asawa ng isa pa ring top news reporter ng Kapuso station na si Jiggy Manicad, si Marnie Manicad.
Tentative title nito ay Dance of the Steel Bars, na tungkol naman sa mga dancing inmates ng Cebu.
Bilang character actor, suporta siya sa maraming new breed of actors and directors sa maraming indie films.
Tulad ng horror film na Paghahati ni Ella Ignacio. Mag-asawa sila rito ng character actress na si Sue Prado.
Pero bidang-bida naman siya sa Pilantik ni Argel Joseph, initial venture ng LCP Productions ni Lito Pascual.
Isang psychotic gay killer ang kanyang role dito na kasama rin sina Ma. Isabel Lopez, Pen Medina, at Chris Martinez.
Hindi si Mon ang original choice para sa nasabing role. Kay BB Gandanghari intended sana pero hindi ito natuloy.
Hindi naging mahirap para kay Mon na gumanap na bakla. Hindi ito first time pero first time niyang magkaroon ng kissing scene, at kay Jao Mapa pa na wala ring kiyeme pagdating sa mga ganitong eksena.
“Bilang isang artista, dapat handa akong tumanggap ng kahit anong role sa lahat ng pagkakataon. Isang napakalaking pagkakataon ito para sa isang underrated actor na katulad ko. Hindi naman naging mahirap dahil naging ugali ko nang gumawa ng pag-aaral sa mga roles na ginagampanan ko. Ang role ko dito ay kopya sa mga gays na nakakasama ko sa aking trabaho. Katunayan, ’yung sapatos na ginagamit ko rito ay hiniram ko sa mga hosts ng 22nd St. (ang comedy bar na pag-aari niya at may mga branches sa Parañaque at Cebu). Malaki ang paa ko kaya sa kanila lang ako puwedeng makahiram ng sapatos. ’Yung mga damit ko naman, ako na ang nag-provide,” pagmamalaki ni Mon na inimbita kami sa birthday celebration niya sa 22nd St. at isinabay na rito ang pagpapalabas ng Pilantik.
Feel ni Mon ay napakatino ng Pilantik for an indie film.
Dagdag pa ng aktor, naipalabas na ito ng isang linggo sa Robinsons Galleria pero dahil walang publicity, kokonti ang nakaalam, kokonti tuloy ang nakapanood. Kaya balak nilang ipapanood muli.
Sa kabila ng kanyang kaabalahan sa mga indie films, lumalabas pa rin sa TV si Mon. Kasama siya sa The Last Prince ng GMA 7.
* * *
Sulit naman ang ginawang paghihintay nina Andi Eigenmann at Matteo Guidicelli na masimulan ang kanilang episode sa Agua Bendita. Nabigyan sila ng pagkakataon na makalabas sa pangunahing drama anthology ng bansa, ang Maalaala Mo Kaya kagabi na pinagmimithiang malabasan ng maraming artista, baguhan man o hindi.
Hindi naman binigo nina Andi at Matteo ang mga manonood. Nakita na meron silang chemistry as a tandem at si Andi, hinahangaan hindi lamang sa kanyang pag-arte kundi lalo na sa kanyang angking kagandahan. May anggulo siya na kamukha ni Angel Locsin pero sa mukha niya nababanaag ang kanyang inang si Jaclyn Jose.