Richard ibinuking na maraming artista ang feel mag-Survivor

Nakikiramay ako at ang buong staff ng PSN sa mag-inang Rosa Rosal at Toni Rose Gayda sa pagpanaw ni Edward James Lim, ang apo ni Tita Rose at bunsong anak ni Toni Rose.

Twenty seven years old na si James dahil 1982 siya nang isilang, hindi 25 o 26 years old gaya nang unang report sa mga news programs noong Biyernes.

Nahulog si James mula sa 4th floor ng kanilang condo unit sa Pinnacle, ang condo building sa Wack-Wack na tinitirhan din ni Phillip Salvador.

Buhay pa si James nang matagpuan ang kanyang katawan. Nakakapagsalita pa siya nang dalhin sa ospital dahil nasabi pa niya kay Toni Rose na “Ma, I’m in pain.”

Kaharap si Tita Rose nang malagutan ng hininga ang kanyang apo. Mula sa ospital, dinala ang bangkay ni James sa Funeraria Paz para sa autopsy at cremation.

Dalawang gabi na nagkaroon ng vigil para sa abo ni James sa Sanctuario de San Jose, Greenhills at ngayong umaga, iuuwi ni Toni Rose ang urn na kinalalagyan ng abo ng anak sa kanilang condo unit.

* * *

Nagpakita ng katatagan si Toni Rose sa malaking dagok na duma­ting sa buhay nila pero napaiyak siya nang ikuwento ang pag-uwi niya sa kanilang bahay para ikuha ng damit ang namatay na anak.

Ikinuwento ni Toni Rose ang kanyang paghalik at pagyakap sa kumot ni James dahil miss na miss niya ang anak.

Naging emosyonal man si Toni Rose, halatang-halata ang kanyang pagpipilit na maging malakas.

Parang gusto pa nga niya na sisihin ang sarili dahil pinagsabihan niya si James na huwag nang manigarilyo sa loob ng kuwarto nito.

Hindi raw makatulog si James kaya lumabas ito ng kuwarto, nagpunta sa veranda at dito nanigarilyo. Na-off balance ang kanyang anak kaya nalaglag ito. Sa mga nagkakalat ng balita na nag-suicide si James, makonsensiya kayo dahil walang katotohanan ang inyong mga paninira ’no!

* * *

Forty plus days na mawawala si Richard Gutierrez sa June dahil pupunta siya sa isang isla para sa taping ng Celebrity Edition ng Survivor Philippines.

Walang maisagot si Richard sa mga nagtatanong sa isla na magiging location ng Survivor Philippines Celebrity Edition dahil hindi pa rin niya alam.

Basta ang sabi niya, maraming celebrity ang type na mag-join sa reality show na iho-host niya. Handang-handa na si Richard sa pagpunta niya sa undisclosed island.

* * *

May taping si Elvis Gutierrez para sa The Last Prince kaya siya lang ang absent sa thanksgiving mass ng Gutierrez family at Royal Era sa Imperial Palace Hotel noong Biyernes nang gabi.

Nagpamisa si Annabelle Rama bilang pasa­salamat dahil sa mga pagsubok na nalampasan ng kanyang pamilya at para sa magandang takbo ng career ng mga alaga niya.

Umapir sa misa ang dalawang anak ni Ruffa na sina Lorin at Venice. Favorite ko na talaga si Venice dahil kahit hindi siya tinatanong, sinabi niya na nagalit ang kanyang lola Annabelle dahil nagpa-interbyu siya sa presscon ng Working Girls 2010. Pang-showbiz talaga ang bunsong anak ni Ruffa!

Show comments