Bugoy hindi naniniwala sa suwerte
MANILA, Philippines - Bising-busy at masasabing mapalad ang tinanghal na Pinoy Dream Academy 2nd Star Dreamer na si Bugoy Drilon dahil inilabas na ang kanyang second album (self-titled) sa ilalim ng Star Records.
Maituturing na isang malaking hakbang sa career ni Bugoy nang mag-hit ang kanyang mga awitin sa kanyang kauna-unahang album na pinamagatang Paano na Kaya? lalo na nang namayagpag ito sa mga radio hit charts sa buong bansa noong kaka-release lamang nito.
Dahil sa natamong mga positibong komento, hindi nagdalawang-isip ang Star Records na muling bigyan ng pangalawang album ang nasabing singer. Ang nasabing kanta ay siya ring ginamit bilang theme song ng Star Cinema sa pelikulang Paano na Kaya? nina Kim Chiu at Gerald Anderson.
Naniniwala si Bugoy na hindi lamang suwerte ang nagdala sa kinalalagyan niya ngayon. “’Yung natatamasa ko po ngayon siguro ay dahil sa pagtitiyaga na rin po. Naniniwala po kasi ako na ’di lang puro suwerte ang kailangan. Dapat po talaga magsikap din,” kuwento ni Bugoy.
Pinrodyus ng batikang kompositor na si Vehnee Saturno, punung-puno ang self-titled album ng mga OPM hits na tiyak na magpapaalala ng inyong mga naging nakaraan. Kasama sa track list ang Lumayo Ka Man sa Akin, Dahil Tanging Ikaw, Hindi Na Bale (carrier single), Ikaw ang Mamahalin, Pagkat Mahal Kita, Sana’y Ibigin Mo at bonus track na Paano na Kaya?
Ang carrier single na Hindi na Bale ay ginagamit na rin ngayon bilang sub-theme song sa Tanging Yaman series sa ABS-CBN.
Sa ngayon, abala si Bugoy sa pagpo-promote ng kanyang single at album sa mga malls hindi lamang sa Metro Manila kundi pati sa mga probinsiya. Sa March 27, kasama siya sa 101.9 radio event sa Cavite, April 11 sa SM Marilao at sa May 1, sa Bagaberde.
- Latest