MANILA, Philippines - Masarap balik-balikan ang pagsisikap at hirap na dinaanan ng isang tao para makamit niya ang tagumpay. Kaya naman kahit saan siya makarating ay di nagsasawang isalaysay ni Mader Ricky Reyes ang kanyang buhay na tunay na from rags to riches.
At sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes ngayong Linggo mula alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga sa Q-11 ay inimbita niya ang grupo ng show gays na kilala bilang Lola Divas na rumarampa sa The Library sa Malate, Manila at ang tandem ng mga komedyanteng sina May at Bentong na crowd favorite sa Bar Uno na tila nagdaan sa butas ng karayom bago guminhawa ang buhay.
Di birong hirap ang dinanas ng mga bading na entertainers sa Japan lalo’t nakansela ang kanilang working permit at di na nakabalik doon para kumita ng pera. Sa halip na sumuko’y naisipan ng mga ito na bumuo ng grupo at magtanghal sa sariling bayan.
Solo stand up artist naman sina May at Bentong pero nang magsama’t makapa ang kiliti ng audience ay namayagpag ang karir.
Tutok lang sa LSWGRR na produksiyon ng ScriptoVision para mapakinggan ang punumpuno ng inspirasyong kuwento ng mga panauhin ni Mader Ricky. Pasasampolan din nila tayo ng kanilang production number na pinapalakpakan at hinahangaan ng publiko. At siyempre, matapos panoorin si Mader RR at ang kanyang mga panauhi’y maniniwala na rin kayo sa kasabihang – pag may tiyaga may nilaga.