Sa presscon na ipinatawag ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde para sa mag-asawang senatoriable Ralph Recto at Gov. Vilma Santos, masayang ipinahayag ng Star for All Seasons na masayang-masaya siya sa napipintong pagbabalik-showbiz ng kanyang kumareng si Nora Aunor. Ipinagtanggol pa ng mommy nina Luis Manzano at Ryan Christian Recto ang ginawang beauty enhancement ni Guy sa Japan. Bukod kay Vi, natutuwa rin ang comedy king na si Dolphy sa balitang pagbabalik-showbiz ni Guy.
Hindi pa man nakakabalik ng Pilipinas si Guy ay tila nabubuhay na naman ang Guy and Vi rivalry, isang indikasyon na in full force pa rin talaga ang mga Noranians at Vilmanians kahit matagal na naging in-active si Guy at si Vi naman ay mas concentrated na sa kanyang role bilang isang public servant.
Since usung-uso ngayon ang pagsasama sa isang pelikula ng mga major stars tulad ng pagsasama nina Vi at megastar na si Sharon Cuneta, Dolphy at Vic Sotto, Sharon at Judy Ann Santos, Sen. Bong Revilla, at Phillip Salvador, hindi rin imposibleng magsama sa isang pelikula sina Guy at Vi, isang major event kapag ito’y nangyari. Siyempre pa, kailangang matindi rin ang required material para mapasang-ayon sina Guy at Vi na magsama sa pelikula.
Samantala, parehong honored sina Gov. Vi at Sen. Ralph sa suportang ipinakita sa kanila ni Mother Lily. Kung noon ay identified sina Sen. Ralph at Gov. Vi. sa kasalukuyang administrasyon, ngayon naman ay kaalyado sila sa partido Liberal ni Sen. Noynoy Aquino na siyang standard bearer sa panguluhan.
* * *
Totoo ka, Salve A., sa larangan ng pulitika, may mga magkakamag-anak at magkakaibigan ang nagkakasira nang dahil lamang dito, dahil na rin siguro sa kanilang iba’t ibang paniniwala at paninindigan. Ang ex-husband ni Gov. Vi na si Edu Manzano ay kandidato sa pagka-bise presidente sa ilalim ng Administration party.
Tumatakbo sa ikalawang term bilang governor ng Batangas si Gov. Vi kahit ilang pulitiko ang nanunuyo sa kanya para hikayatin siyang tumakbo sa pagka-vice president, bagay na hindi niya kinagat dahil marami pa umano siyang magagandang proyekto na gustong matupad sa buong Batangas.
Kung maganda ang track record ni Vi bilang three-term mayor ng Lipa City at one-term governor ng Batangas, hindi magiging imposible ang muli niyang panalo sa ikalawang termino sa pagka-governor.
Kung hindi naman pinalad nung huling halalan si dating Sen. Ralph Recto na muling maluklok na senador dahil sa kanyang pagiging author ng VAT o value added tax na nagbigay ng dagdag na pasanin kay Juan de la Cruz, mukhang mabango na naman ngayon ang pangalan ng mister ni Gov. Vi at malamang na muling mabalik sa senado.
* * *
Mukhang open na ang relasyon ng dalawang kilalang TV news personalities na ito dahil madalas na silang makitang magkasama sa maraming okasyon.
Parehong may-asawa at hiwalay na sa kanilang respective partners ang dalawa kaya lantaran na rin ang kanilang relasyon.
At sa totoo lang, bagay silang dalawa at tanggap na rin ito ng kanilang mga anak at pamilya ganoon din sa TV network na kanilang pinaglilingkuran.
* * *