May offer pala kay Ryan Agoncillo ang ABS-CBN pero ‘di niya tinanggap dahil tumatanaw siya ng malaking utang na loob sa TV 5 na kung saan ipinalalabas ang Talentadong Pinoy na siya talagang nagpalaki ng kanyang pangalan bilang isang reality search host. Matatandaan na ang TV5 din ang kumuha sa kanya para mag-host ng Philippine Idol.
Napakarami ng gagawin ni Ryan sa TV5. Bukod sa paghu-host ng TP, magkakaroon din siya ng sarili niyang drama series. Tinanggihan niya however ang offer na mag-host ng isang mala-The Buzz na palabas na pagsasamahan nina Cristy Fermin at Ruffa Gutierrez dahil ayaw niyang makigulo sa showbiz. Dahil artista rin silang mag-asawa.
* * *
Nakikiramay ako sa kasamahang Cristy Fermin sa pagpanaw ng kanyang pinaka-mamahal na ina. Nawalan na rin ako ng ina kaya alam ko kung gaano kasakit ito.
Alam ko na masaya na ang ina ni Cristy sa kanyang kinaroroonan dahil ang kanyang kamatayan ay nagbukas ng pinto sa pagkakaunawaang muli ng kanyang anak at ni Kris Aquino. Kung inakala ng mga taong dinatnan ng grupo ni Kris sa punerarya na dededmahin nito si Kris, puwes, nagkamali sila. Tinanggap ng mahusay ni Cristy ang pakikiramay ni Kris.
* * *
O, ‘di ba maganda rin ang Diz Is It! at ipinalalabas na kasabay ng Showtime ng ABS-CBN?
Saan kaya nakukuha ng TAPE ang kanilang mga contestants? Ang gagaling din nila.
* * *
Laban na ni Manny Pacquiao! Pero bakit kaya parang walang nag-aalala sa kahihinatnan ng laban? Parang lahat ay naniniwalang mamaniin lang ni Manny ang magiging laban niya? Ganun ka-tiwala ang Pinoy sa Pambansang Kamao.
Okay na maging kampante tayo, magaling naman ang manok natin. Pero sabayan natin ng dasal. Kailangang-kailangan ito ni Manny para manalong muli. Hindi puwedeng puro lakas lang, kailangan din ng tulong ni Lord.