MANILA, Philippines - Inabot ng anim na taon ang recording artist, stage actress, at entrepreneur na si Rachel Alejandro bago nagkaroon ng bagong album na pinamagatang Believe, pero sulit ang paghihintay niya.
Piling-pili kasi ang 13 tracks sa album na ang ibang nagsumite ng mga kanta, kahit mula pa sa mga sikat na kaibigan, ay tinanggihan niya dahil hindi babagay sa bago niyang proyekto.
Sa carrier single na Tayo Pa Ba? na isinulat ni Edith Gallardo at Niño Regalado, inamin ni Rachel na napaiyak siya nang una niya itong marinig.
“I had just broken up with my boyfriend then so I was able to relate to the song,” sabi ni Rachel.
Pero hindi na mending a broken heart ang petite na singer at chef. Nakikita na ng publiko ang bago niyang boyfriend, isang Spanish journalist. Obvious namang masaya si Rachel sa piling ni Carlos Santamaria.
Isa na rin ito sa mga dahilan kung bakit inspirado ang seksing singer sa Believe album na mula sa Sony Music Entertainment.
Ang ilan pang kanta ay Bakit Hindi Tayo? ni Cholo Escano, Hanggang na Amber-Marcus Davis collaboration, at The Rain na si Rachel mismo ang sumulat.
May mga remakes ding kasama na tiyak na masasabayan ng mga old and new listeners niya tulad ng You Were There ng Southern Sons, duet nila ng amang si Hajji Alejandro; Xanadu ni Olivia Newton John; Don’t Stop Believing ng Journey; Alone ng Heart, at There’s a Fine, Fine Line na galing sa musical na Avenue Q.
Sabi ni Rachel, “This album reasserts my belief that new good music still exists. That in these days of the revivals, fresh materials still have a place in the OPM scene.”
Sa kasalukuyan, mapapanood si Rachel sa puppet-meets-person musical na Avenue Q ng Atlantis Productions mula ngayong Biyernes, March 12 hanggang March 27, Sabado sa Carlos P. Romulo Theater sa RCBC Plaza in Makati City.
Magiging busy din si Rachel sa April para sa ilang US shows kasama si Geneva Cruz. Pagkatapos ay babalik siya sa New York bago matapos ang taon para sa skating lessons bilang paghahanda sa kanyang role sa Xanadu musical.