Nagkita kami ni Willie Revillame sa burol ng nanay ni Cristy Fermin sa Funeraria Nacional noong Martes ng hapon at nag-imbita siya na bisitahin namin nina Mama Ethel Ramos at Papa Ronald Constantino ang bahay niya sa Ayala Heights, QC.
Sino ba kami para tanggihan ang imbitasyon ni Willie? Nagpunta muna ako sa birthday party ng aking friend na si Reynald Lim sa Jimmy’s Timog, bago kami nagkita nina Mama Ethel at Papa Ronald.
Totoo ang tsismis, ang ganda-ganda ng bahay ni Willie at naintindihan ko siya nang sabihin niya na halos hindi na siya umaalis ng bahay.
Kung ako ang nakatira sa ganoong kaganda na house, tatamarin akong umalis. Maghapon ko na lang tititigan at iikutin ang bonggang-bonggang bahay.
* * *
Fresh from Italy ang mga furniture ni Willie. Magaganda rin ang paintings na aabot ng milyun-milyon ang halaga.
Lampas sa sampu ang mga luxury car na nakaparada sa basement parking at sosyal na sosyal ang swimming pool na napapaligiran ng palm trees.
Richie rich na nga si Willie. Panay ang sabi ko sa kanya na sino ang mag-aakala na P300 per week lang ang suweldo niya noong magkakasama pa kami sa TV show na Regal Family na dating napapanood sa IBC 13?
Pero kahit mayaman na siya ngayon, hindi nakakalimot si Willie sa mga tao na tumulong sa kanya noong mga panahon na siya ang walang-wala.
Sumumpa si Willie sa akin na wala siyang girlfriend sa kasalukuyan at dahil naharbatan ko siya, naniwala ako sa kanyang sinabi sa akin.
Masusundan pa ang pagkikita namin ni Willie dahil may promise siya sa akin na hindi ko puwedeng i-reveal or else...
* * *
Hindi nagkita si Willie at ang kanyang ex-wife na si Princess Punzalan nang magbalik-bayan ito noong January 2010.
May iba nang asawa si Princess at inisip siguro nito na parang hindi tama na makipagkita pa siya sa kanyang ex-dyowa.
Ka-meeting ni Willie ang mga tauhan ni Senator Manny Villar nang dumating kami sa kanyang bahay. Supporter ni Papa Manny si Willie at meron silang mga business deal kaya hindi sila nawawalan ng komunikasyon.
* * *
Pamilyar sa akin ang matangkad na lalake na kasama ni Dra. Vicki Belo sa presscon na ipinatawag niya para kay Phoemela Barranda.
Pamilyar ang lalake dahil na-meet ko na siya noong isang taon sa Hong Kong Peninsula.
Edwin Ramos ang pangalan ng mhin at nag-resign na siya sa Hong Kong Peninsula dahil hinikayat siya ni Mama Vicki na magtrabaho sa Belo Medical Group. Maganda ang offer ni Mama Vicki kay Edwin kaya hindi ito nagdalawang-isip na magbabu sa trabaho niya sa Hong Kong.
* * *
Hindi ikinahihiyang aminin ni Phoemela na nagparetoke siya ng boobs at libre ito, courtesy of Belo Medical Clinic.
Satisfied si Phoemela sa pagkakaretoke ng Belo Medical Clinic sa kanyang dibdib dahil very safe ang silicone gel na ginamit para lumaki ang bumpers niya.
Para patunayan na safe ang silicone gel, tinapak-tapakan at inihagis ito ni Mama Vicki. In fairness, hindi nabutas ang silicone gel na pinagpasa-pasahan ng mga reporter para may idea sila sa klase ng foreign object na ginagamit na pampalaki ng boobs ng mga kababaihan.