Kung mayroon mang nagagalit sa away nina Ruffa Gutierrez at Kris Aquino, ako yun! Nadamay na kasi ang aking presidential bet. Wala siyang kinalaman sa mga pangyayari.
Konting kibo lang ni Kris, si Kris ang sinisisi. Ang problema ni Kris sa marriage, lalo na nung sugurin niya ang isang babaeng ikinakabit ang pangalan kay James Yap ay may parte rin ang kuya niya.
Hindi si Kris ang tumatakbong presidente pero kailangan ni Kris ng maraming pagbabago para hindi makaapekto sa kandidatura ng kanyang kapatid. Kung buhay si pangulong Cory, ito rin ang ipapayo niya sa kanyang bunso, ang maging matimpiin.
Let us spare Noynoy from all of these. Marami pa siyang dapat sagutin tungkol sa kanyang pagkakandidato, mga national issues pero, huwag na yung mga away-away ng kanyang kapatid sa showbiz!
* * *
Tatanungin ko sana kung bakit ipinaputol ni Maja Salvador ang kanyang mahabang buhok. Feeling ko kasi, nakabawas ito sa kanyang kaseksihan. Wala na kasing mas seseksi pa sa isang kabataang babae na mukhang inosente. At walang lalaki ang hindi feel ang babaeng may mahabang buhok. With her new cropped hairstyle, parang nabawasan ang kanyang femininity, she looks more boyish than womanish.
Pero bahagi raw ito ng kanyang pagbabago ng imahe, gusto ng produksiyon para sa susunod niyang pelikula with Derek Ramsay na sinasabing ubod ng sexy? Maja will be showing more flesh at magkakaroon pa ng mas maiinit na eksena with her leading man.
Tuluy-tuloy na kaya ito for Maja? Baka malampasan pa niya sa pagpapa-sexy ang resident femme fatale ng network na si Angelica Panganiban na tinututulan ng marami ang sobrang pagpapaseksi sa Rubi, kahit pa nga launching project niya ito. Mas prefer nilang sexy ito but good and less sexy if bad ang role niya. Fatal para sa kanila ang kumbinasyong bad and sexy for their favorite actress.
* * *
Ang ganda-ganda ni Judy Ann Santos. Marami tuloy ang naniniwalang buntis siya, at babae ang kanyang dinadala sa sinapupunan. Pero ayaw munang mag-comment ng reyna ng teleserye ng Dos. Pinaghihintay niya ang mga nagtatanong dahil sabi nga niya, sila man ni Ryan (Agoncillo, her husband), ay naghihintay din. Pero kung maging totoo ang balita, hindi naman nila ito ipaglilihim.
Samantala, very proud si Juday sa hosting job ni Ryan ng Talentadong Pinoy. Naniniwala siya na sa ganitong trabaho pinakamagaling ang asawa niya. Pinasasalamatan din niya ang pangyayaring nakakapagtrabaho ito sa tatlong pinakamalalaking netwok sa bansa. May Eat Bulaga ito sa GMA 7, katatapos lang ng George and Cecil sa ABS CBN at Talentado sa TV5. Iba-iba rin ang trabaho niya sa tatlong mga programa.
* * *
Inalok din pala ni Aster Amoyo si Vilma Santos na maging endorser ng kumpanya na nagsagawa ng makeover ni Nora Aunor at hindi man sumagot agad ang abalang gobernadora, hindi rin ito tumanggi. Inaalam muna nito kung anong mga proseso ang ginawa sa kanyang dating arch rival bago niya tanggapin ang alok.
Samantala, open si Vi sa posibilidad na magkatrabaho sila ni Nora. Yun nga lang kailangan muna niyang malaman ang proyekto at ang mga makakasama nila bago siya umoo.