Panay ang plugging ng dating game show ng GMA 7 at nagpapa-audition na rin ng mga contestants. Walang binabanggit na title ng show sa plugging at kung sino ang magho-host.
Pero napag-alaman naming Take Me Out ang title ng show at kundi magbabago ang desisyon ng Channel 7 hanggang sa airing ng show, si Jay-R ang napili ng management na mag-host nito. Napapanood ang BF ni Krissa Mae na paminsan-minsang nagho-host sa natsuging SOP at sa pre-pageant ng Binibining Pilipinas pero dito lang sa malapit nang simulang dating game show siya aariba sa pagho-host.
Unang ini-offer kay Paolo Bediones ang Take Me Out, kaso lumipat ito sa TV5. Na-consider din si Richard Gomez pero nag-pulitika, at may isa pang aktor, pero kay Jay-R ibinigay ang show. Kaya busy ang BF ni Krissa Mae may dating game show na ito, may Party Pilipinas pa.
* * *
Sabi nang sabi ang singer-actress na ito na naka-move on na siya at kinalimutan na ang ’di magagandang nangyari sa buhay niya pero lip service lang pala ’yun dahil ang bigat ng bagahe ay dala-dala pa rin nito at ayaw kalimutan.
Never mapapa-guest ang singer-actress sa sitcom na tinatampukan ng mas sikat sa kanyang aktres dahil hindi nito makalimutan na ang aktres ang ipinalit sa kanya ng ex-boyfriend nang makipag-split sa kanya.
Hindi rin matanggap ng singer-actress na madali siyang napalitan ng ex at ang ikinaloka pa nito, kung ano ang mga iniregalo sa kanya ng ex noong sila pa, ganundin ang mga iniregalo sa aktres na ipinalit sa kanya, pati aso na favorite iregalo ng actor sa mga nagiging GFs.
Never mind kundi nagtagal ang relasyon ng aktres at ex ng singer-actress, basta hindi pa rin niya gustong makatrabaho ang aktres.
* * *
Magkakaroon ng showbiz news overload ang mga viewers every Sunday dahil bukod sa The Buzz ng ABS-CBN at Showbiz Central ng GMA 7, may Paparazzi ang TV5 na April 4 na ang pilot at frontliner hosts sina Ruffa Gutierrez, DJ Mo Twister, at Cristy Fermin at si Lourd de Veyra.
Pero tiniyak ng isang taga-TV5 na hindi makakatapat ng Paparazzi ang mga shows ng Channel 2 at Channel 7. Hindi nila tatapatan ang pinanggalingang show ni Ruffa at Mo, pero ayaw pang sabihin kung mauuna sila o mahuhuling mag-airing sa dalawang shows. May paniwala lang kami na ’di papayag ang TV5 na mahuli sila sa pagbibigay ng balitang showbiz.
Marami ang manghihinayang nito na ’di magkakatapat ang three showbiz shows dahil walang tapatang mangyayari kina Ruffa Gutierrez at Kris Aquino na tiyak magpapagalingan sa pagho-host at sa mga damit at alahas na isusuot evey Sunday. Fashion kung fashion ito!
Wala pa kaming nababalitaang ipapalit kay DJ Mo sa Showbiz Central na sabi ay up to May pa ang kontrata. Kung totoo ito, paano iyon sa April ang pilot ng Paparazzi?
* * *
Sa First Time, inako ni Lukas (Joshua Dionisio) ang kasalanan ni Baste (Jhake Vargas) at magiging friends ang dalawa. Malungkot si Cydi (Barbie Forteza) dahil ’pag na-expel si Lukas, iiwanan ulit siya nito.