Personal ang labanan

Bakit kailangan pang kumuha ang GMA 7 ng pantapat kay Zsa Zsa Padilla sa bago nilang programang makakapalit ng SOP simula sa Marso 21, ang Party Pilipinas, sa katauhan ni Verni Varga? Tapatan pala ng mga talents ang labanan at hindi pagandahan ng show?

Kung ganito ang labanan, I pity the stars na sa halip na magkaroon ng heal­thy competition ay magiging personal ang labanan. Okay na sa akin ’yung mag­­laban-laban ang mga istasyon ng tele­bisyon pero dapat manatiling magka­kaibigan ang mga artista. Maraming pag­kakataon na magkakasa­ma-sama sila sa labas, ibig sabihin ba ay mag-iirapan na sila’t hindi mag-uusap dahil lamang nagbago ang lebel ng labanan? Sana hindi.

* * *

Nai-engganyo na akong mag-manage ng artista. Sa paraang ito parang ibinabalik ko na rin ang That’s Entertainment, in my small own way. Sa That’s kasi napakarami kong napasikat. Pero kahit wala na ang That’s... meron pa rin akong natu­tulungan.

Si Jhake Vargas, sinimulan ko lamang tulu­ngan dahil may inang may mabigat na karam­da­man, kailangan ng suporta sa me­disina at pera. Pinakanta ko sa Walang Tulugan. Nang lumaon, kinuha ko na bilang isa sa mga co-hosts. Ngayon ay dumarami na ang programa niya sa GMA 7.

May isa pa ring Japanese teener, si Ishi, na bini-build up ko sa Walang Tulugan. Sinimulan ko sa pagbibigay sa kanya ng skit. Ef­fective naman dahil natutong mag-Tagalog. Later on, isinama ko na sa Teen Stars, eh mabilis ang pag-angat, siguro dahil may pigura, may talent at may height. Konting panahon pa at makikilala na rin siya.

Kung parehong 15 years old sina Jake at Ishi, 11 naman si Josh­ua Pineda na kasama na sa cast ng Pepito Manaloto, isang bagong sitcom ng Kapuso.

Sa isang party ko unang nakita si Joshua. Nagandahan ako sa boses niya at naintriga sa klase ng mga kanta niya.

Parang pinagsamang Michael Bublé at Richard Poon na mga lumang kanta ang binabanatan. Ang maganda kay Joshua, napapanindigan niya ang mga kinakanta niya. Hindi alangang kantahin niya. Sa halip na ma-turn off ang mga nakikinig dahil isang bata ang kumakanta, nasisiyahan sila at napapasunod sa pagkanta niya.

Kapag napasikat ko ang tatlong kabataang ito, hahanap akong muli na matutulungan.

Show comments