MANILA, Philippines - Kaya mo bang sabihin ang katotohanan kahit ang kahulugan nito ay pagkawasak ng inyong pagmamahalan?
Ito ang malaking tanong na nakatakdang sagutin sa mga mas lalong kapana-panabik na eksena sa Habang May Buhay, ang teleseryeng humahataw sa primetime ratings simula nang mag-launch ito, na pinangungunahan ng Queen of Pinoy Soap Opera, Ms. Judy Ann Santos.
Matapos ang matagal na aso’t pusang bangayan nina Nurse Jane (Judy Ann) at David (Derek Ramsay), hindi na rin napigilan ng dalawa ang tunay na nararamdaman sa isa’t isa.
Ngunit sabay nang pagsisimula ng pag-iibigan nina Jane at David, mag-uumpisa na ring malantad ang mga hinala at sikreto sa pagitan nila at ng kani-kanilang pamilya.
Natuklasan na ni Jane na matapos ang mahabang taong pananabik, buhay pala ang kanyang inang si Rose. Ngunit ang magandang balitang ito ay labis namang ikinagulat ni David. Nalaman niyang ang babaeng minamahal niya ngayon at ang kababata niyang si Jingjing ay iisa. At ang inang natagpuan ni Jane ay ang Tita Rose na aksidente niyang naitulak sa bangin.
Dahil dito, labis na nababagabag si David sa kung ano ang nararapat niyang gawin — ang sabihin ang totoo kay Jane o patuloy na itago ang sikreto ng kanyang pagkatao?
Sa susunod na linggo, makakaharap na ni Jane ang kanyang matinding kalaban — si Ellen Corpuz (Tetchie Agbayani), ang ina nina Sam and Nathan na sinisisi niya sa pagdurusa nilang mag-ina.
Huwag palampasin ang mga tumitinding tensyon at nakagugulat na kaganapan sa patuloy na pagharap ni Jane sa mga pagsubok ng buhay. Abangan gabi-gabi ang Habang May Buhay sa Primetime Bida ng ABS-CBN, pagkatapos ng Kung Tayo’y Magkakalayo.
* * *
Mas bumobongga ang kuwento ng The Last Prince :
Pipilitin ni Sonia si Javino the frog na ipakita ang elves kay Lolo Simon pero hindi ito gagawin ni Javino.
Maiinis tuloy si Sonia.
Ipagtatapat na rin ni Lamara kay Lara na hindi siya ang tunay nitong ina. Shocked tuloy si Lara!
Mahuhuli ng mga henchmen ni Mayang sina Bambi at Lara. Katapusan na kaya nila?
Makakatakas sina Bambi at Lara sa mga gustong pumatay sa kanila.
Makikita ulit ni Sonia ang mga elves at si Javino pero agad silang mawawala para hindi sila makita ni Lolo Simon.
Maiiyak si Bambi dahil hindi niya alam kung sino ang iwi-wish niyang makita. Torn siya between Lara and Adela. Pero pipiliin ni Bambi si Adela.
Makakalaya na rin si Rizayo. Makakabalik na rin sa Paladino ang tunay na Reyna Lamara.
Sa kalasingan ni Sonia, mahahalikan niya si Javino the frog kaya babalik na si Javino sa dati niyang anyo.
Magpapadala si Bawana ng dragon para tapusin sina Adorno.
Hindi na kaya pang lumaban ni Adorno kaya ipapasa na niya ang kanyang kapangyarihan kay Almiro.
No choice si Almiro kundi tuluyang tanggapin ang kanyang tungkulin para ipagtanggol ang Paladino laban sa maitim na balak ni Bawana.
Mapapahamak si Lara dahil mahuhulog ito sa bangin. Darating si Nikolai.
Muling namayagpag ang ABS-CBN sa katatapos lang na Gandingan 2010: UPLB Isko’t Iska’s Broadcast Choice Awards kung saan 17 sa 24 na parangal ang hinakot ng Kapamilya Network.
Sa apat na magkakasunod na taon, muling tinanghal ang ABS-CBN bilang Best TV Station at Most Development-Oriented TV Station: The UPLB Isko’t Iska’s Choice for Station of the Year. Tinanghal namang Best AM Station ang DZMM Radyo Patrol 630 at Best FM Station ang Tambayan 101.9.
Tinanggap ng News and Public Affairs Head Maria Ressa ang Best TV Station award at nagpasalamat sa UPLB Community, “Thank you so much for this. We in ABS-CBN continue to work hard and like you, we also dream for a better Philippines.”
Sa ika-apat ding pagkakataon, muling napanalunan ng ABS-CBN ang Best News Anchor award at ngayong taon, personal itong tinanggap ng batikang brodkaster na si Ted Failon na pinarangalan din bilang Best AM announcer sa ikalawang pagkakataon. Masayang pagbabahagi ni Ted, “13 flyovers, one skyway, one long SLEX ang aming tinawid ngunit walang hinayang ang pagpunta namin dito sa Gandingan para tanggapin ang ganitong parangal.”
Samantala, two-time Best Morning Show awardee na ang programang Umagang Kay Ganda.
Hinakot naman ng UP alumnus at Current Affairs host na si Kim Atienza, na mas kilala ngayon sa tawag na Kuya Kim, ang tatlong awards kabilang ang Gandingan ng Kabataan, Gandingan ng Kalikasan at Gandingan ng Edukasyon. Kinilala rin ang lingguhang programa ni Kuya Kim! Nasungkit ng Matanglawin ang Best Educational Program at Best Environment-Oriented Program. “Thankful ako sa aking alma mater UP. Ito ay tagumpay ng Matanglawin. Mas mahirap ang trabaho ng staff ng Matanglawin kaya I offer this award to them.”
Kabilang pa sa mga parangal na natanggap ng Kapamilya Network ang Best News Program para sa TV Patrol World, Best Women Empowerment Show para sa Wonder Mom, Best Youth-Oriented Program para sa Y-Speak, Best Livelihood-Oriented Program para sa Kabuhayang Swak na Swak at Gandingan ng Kababaihan para kay Karen Davila.
Kamakailan din ay nakakuha ang ABS-CBN ng 19 awards mula sa USTv Student’s Choice Awards, 33 awards mula sa 2010 Gawad Tanglaw at pitong awards mula sa 1st Students’ Choice Awards for Radio and Television mula sa College of Management and Information ng Northwest Samar State University.