Aakalain mo ba na dahil lamang sa dunong maglaro ng yoyo ay magiging milyonaryo ka na?
Imposible? Pero ito ang kapalarang inabot ng isang 13 taong gulang na kabataan ng Quezon City na siyang tinanghal na Philippines’ First Ultimate Talentado sa isang Battle of the Champions, ang pinaka-exciting na pakontes ng TV5 at maituturing na pinakamahirap husgahan dahil halos lahat ng contestants deserved to win.
Kung hindi man nanalo ang batang si Joshua ‘The Yoyo Tricker’ Davis kundi ang ventriloquist na si Juancho Lumania o kaya naman ay ang makata ng Hagonoy, Bulacan na si Ferdinand Clemente, wala ring tututol dahil magagaling din ang dalawa at silang tatlo ang pinakamahihigpit na magkakalaban.
Kahit na ilang beses pumalpak at tumalon ang yoyo ni Joshua, kapuri-puri pa rin ang pangyayaring hindi nakatali ang mga yoyo nito at isa lamang ang ginagamit niyang sinulid na pinagkakabitan ng mga yoyo.
Plus factors din para kay Joshua ang pangyayaring bukod sa guwapo siya ay magaling din siyang magsayaw.
Maraming mga yoyo contestants ang naglalaro lamang ng yoyo pero si Joshua ay kailangan ding mag-concentrate sa kanyang dancing, puwera pa sa kanyang mga yoyo. Yun ang nagpahirap sa kanyang trabaho.
Magaling din ang Far East Acrobats. Wala silang ginamit na safety nets at anytime ay puwede silang makabitaw at mamatay pero propesyonal na sila. Matagal na nilang kabisado ang routine nila. Aksidente na lamang kapag may nangyaring hindi maganda.
Si Leah Patricio, magaling ding singer pero maraming Pinoy ang magaling ding kumanta. I thought she should be in the best singing contests. Ganundin ang wild card contestant na si Jackielyn Pinazo.
Sayang din ang Ladder Balancer na si Omar, nahulog ang isang stick niya na may apoy. Isang no no ito sa isang grand finals.
Ang gaganda rin ng Tribal Dancers pero common na rin ang mga dancers sa ‘Pinas, gaano man sila kagaling.
Next season, dalawang beses isang linggo nang mapapanood ang Talentadong Pinoy, Sabado’t Linggo.
Let us hope na mapanatili ng TV5 ang kanilang supremacy sa ganitong klase ng paligsahan. Ang dalawang kalaban nilang giant networks are doubling their time at sinasaliksik ang bansa para lamang makadiskubre ng mga kakaibang talento.
* * *
Habang patuloy na umiigting ang kampanya para sa nalalapit na eleksiyon, ang paglaganap ng mga nakakahawang mga sakit tulad ng tigdas, bulutong, sore eyes, pigsa, kuliti at ang ordinaryong sipon at ubo na dulot ng mainit na panahon, ang pag-iingat naman sa mga ito ang mahigpit na ipinapayo ng lokal na gobyerno ng QC sa pamumuno ni Vice Mayor Herbert Bautista, kasama ang kanyang kandidato para sa pagka-pangalawang opisyal ng QC na si Joy Belmonte. Bahagi ng kanilang paglilibot ang pagpapaalala sa mga residente ng tamang pag-iwas sa mga sakit at ang paghingi ng tulong sa mga government health centers kapag tinamaan na sila ng sakit.
Inutusan din ni Bautista ang mga barangay officials na gumawa ng information drive para mamintina ang kalinisan ng kapaligiran at ang maagang paggamot sa mga mayroon nang sakit.
* * *
Gusto nang sundan ng mag-asawang Carmina Villaroel at Zoren Legaspi ang kambal nilang sina Cassie at Maverick, pero natatakot silang baka hindi na kasing cute ng kanilang panganay ang susunod nilang mga anak.
“Nakakaawa naman, baka ma-insecure sila (baka maging kambal muli ang susunod nilang anak) sa ate at kuya nila,” paliwanag ni Carmina na na-interview sa Pepito Manaloto, bagong reality sitcom ng GMA 7.
Isa sa mga showbiz family na na-Ondoy sina Carmina pero hindi nila ibinenta ang bahay nila.
“Itinuturing kong lucky house namin yun. Pinapinturahan na lang namin uli. Hindi naman naapektuhan ang mga kasangkapan, naiakyat namin bago pa lumaki ang tubig sa bahay,” sabi ni Carmina.
Sa kabila ng kanyang kawalan ng pahinga, marami silang bonding moments na mag-anak. Mahilig silang mag-malling at madalas silang makita sa Rockwell, Podium at Shangrila. Mahilig silang mag-ice cream, kahit hindi weekends.
Kung sila ang masusunod, ayaw muna nilang mag-artista ang mga anak. Gusto nilang mag-aral muna sila. Okay sa commercials dahil sasandalil lamang ito. Ang pera ng mga bata mula sa kanilang commercials ay ibinabangko nila.
Ten years na ang marriage nina Carmina at Zoren at kahit wala pa silang basbas ng simbahan ay going strong ang kanilang relationship. Magpapakasal din sila pero wala pang exact date.