Matagal ding hindi nakaharap ni Gov. Vilma Santos ang entertainment media. Kundi pa sa kagandahang loob ng matriarka ng Regal Films na si Mother Lily Monteverde ay hindi pa muling nakaharap ni Vi ang mga movie writers na naging saksi sa kanyang pagtahak sa stardom bilang isang aktres. Ngayon ay hinarap niya silang muli, kasama ang kanyang asawa at senatoriable Ralph Recto at anak na si Ryan Christian. Kasama rin sana si Luis Manzano pero, may taping ito.
Wala namang dapat ihingi ng tulong si Gov. Vi sa kanyang mga kaibigan sa media. Sa ganda ng kanyang trabaho sa Batangas, sigurado nang mahahalal siyang muli. Batangueños will never forget na puwedeng-puwede siyang kumandidato, at manalo rin, bilang bise presidente ng Pilipinas kung tinanggap niya ang alok pero ang bisyon at misyon niya ay para sa mga taga-Batangas kaya mas ginusto niyang uling maging gobernador matapos na magsilbi bilang mayor ng Lipa.
Kung may nakinabang ng malaki sa muling pagharap niya sa movie press ito ay ang asawa niyang kumakandidato bilang senador. Dating komisyoner ng NEDA ang asawa ni Vi pero nag-resign para tumakbong senador sa eleksiyong ito.
* * *
Sa magandang pagbabago na nakita sa superstar na si Nora Aunor nang mapanood ito sa TV matapos ang kanyang napaka-kontrobersiyal na make-over na ginawa sa bansang Hapon, maraming Pinoy na mahilig sa make-over ang interesado na malaman kung anong proseso ang pinagdaanan niya para magmukha siyang napakabata gayung nasa liyebo singko na siya.
Masisiyahan ang mga nagtatanong na hindi na sila kailangang pumunta pa ng Japan para sa ganitong makeover. Ang IPS, Inc., isang kilalang Japanese firm at ang Shinagawa Clinic Group of Companies, isang nangungunang eye laser and aesthetic center sa Japan ay dadalhin sa Pilipinas ang medical technology na ito.
Kinuhang unang celebrity endorser ng bagong kumpanya dito sa Pilipinas si Nora Aunor na nasuwertihan nilang nasa news ngayon dahil isa ito sa 10 Best Asian Actresses of the Decade. Nag-iisa siyang Pilipino na nakasama. Darating ang aktres sa Abril para sa opening ng Shinagawa Lasik and Aesthetic Center (Philippines) na matatagpuan sa Mezzanine, Tower 2, The Enterprise Center, 6766 Ayala Ave. Paseo de Roxas, Makati City.
* * *
Humataw sa ratings ang back-to-back last episode ng Pepeng Agimat at ang pagsisimula ng Tonyong Bayawak. Nagkamit ang Pepeng Agimat na bida si Jolo Revilla ng 32.7 sa TNS nationwide ratings results at pumangalawa sa listahan ng top 20 programs noong nakaraang Sabado.
Hanggang sa huling yugto, nanatiling paborito ng lahat ang kuwento ng Pepeng Agimat. Sa paglalayag ni Tonyong Bayawak, tiyak na magiging Saturday habit din ito ng mga manonood.
* * *
Matagal nang inaasam ni Miriam Quiambao na magkaroon ng kakaibang proyekto.
“I prefer to play meaty roles. Kung lead part, much better. Pero kahit hindi okay lang basta maganda ang character ko,” aniya matapos tanggapin ang role bilang isa sa tatlong babaeng kontrabida sa Kung Tayo’y Magkakalayo ng ABS CBN. Bibigyan siya ng laban nina Janice Huang, isang bagong mukha sa primetime TV at ang magandang car racer na si Gaby dela Merced. Silang tatlo ang bubuo ng Triple A Gang sa serye. Mapapasabak ang tatlong naggagandahang babae sa sabugan at barilan. Ngayon pa lamang ay excited na ang dating beauty queen dahil talagang matsa-challenge siya sa bagong role na ibinigay sa kanya ng Kapamilya Network.
* * *
Sa buhay na walang mga magulang... mabubuhay ka ba ng tama?
“Ito ang tema ng isang makatotohanang kuwento ng mga magkakapatid na iniwan ng kanilang mga magulang sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi. Starring an ensemble of critically-acclaimed actors, at sa direksyon ni Nuel Naval, masisilip natin ang buhay ng mga magkakapatid na namuhay sa hirap at ‘di matapus-tapos na pagsubok.