MANILA, Philippines - Pitong buwan na ang nakakaraan nang pakawalan ang limampung batang Philippine crocodile o bukarot sa Divilacan, Isabela.
Isa itong mahalagang kaganapan, hindi lamang para sa mga residente ng Isabela kundi pati na rin sa mga taga-Mabuwaya Foundation na siyang nagsusulong na maibalik ang mga bukarot sa wild. Endangered na kasi ang bilang ng mga Philippine crocodile at kung hindi raw aalagaan, maaring maging extinct na ang mga ito sa loob lamang ng sampung taon.
Ngayon, binalikan ni Doc Ferds ang mga bukarot upang makita ang kanilang lagay. Pero para malaman ang lagay ng mga buwaya, kailangan silang muling hulihin! Sa pamamagitan nang pagsukat sa mga buwaya, malalaman ng mga eksperto kung nasasanay na ang mga buwaya sa kanilang bagong tirahan. Pero hindi simple ang ginawang paghuli sa mga hayop na ito. Iba’t ibang paraan ang kanilang sinubukan para lang masuri ang mga buwaya.
Samantala, dinayo ni Kiko Rustia ang isang barangay na halos iisa lang ang pinagkakakitaan—ang panghuhuli ng mga isdang pang-aquarium.
Ang mga isdang kinaaliwan nating pagmasdan sa loob ng mga aquarium, mahaba pala ang tinatahak na paglalakbay bago pa makarating sa mga hawlang salamin.
Hindi rin biro ang paraan ng pagkuha nito. Dahil ang mga diver, gumagamit ng compressor para sisirin ang mga isda – isang paraan na masama para sa kalusugan.
Upang malaman ang kalagayan ng dagat, nagsama si Kiko ng isang marine biologist upang masuri ang ilalim ng dagat… ano kaya ang kanilang natuklasan?
Alamin ang mga kuwentong ito sa bagong araw ng Born to be Wild. Ngayong Huwebes na pagkatapos ng Saksi sa GMA Network.