Buking ang gimik ng fans ng isang sikat na loveteam. Buking dahil mismong sila ang nag-iimbento ng mga tsismis para mapag-usapan ang kanilang mga idol.
Paano nadiskubre ang katsipan ng fans? Gumagamit sila ng iba’t ibang e-mail address na pareho ang ISP o Internet service provider.
Hindi ginamit ng fans ang kanilang brain. Nagmukhang malandi ang aktres na kanilang sinusuportahan dahil hindi pinag-isipan ang mga balita na ikinakalat nila. Imbento na nga, nakakasira pa ng image.
* * *
Kahapon ang 58th birthday ni Rudy Fernandez. Nagpamisa si Lorna Tolentino sa Heritage Park at pagkatapos ng misa, nagpunta ang mga bisita sa bahay nila sa White Plains, QC para sa konting salu-salo.
Dumalaw na ako sa puntod ni Rudy noong Linggo pero umapir pa rin ako sa misa kahapon. Hindi ko pinangarap na magtampo si Rudy sa akin dahil noong nabubuhay pa siya, hindi niya nalilimutan na tawagan ako sa telepono tuwing birthday ko, Pasko, at Bagong Taon.
Hindi pa kasama rito ang madalas na pagtawag niya sa akin para magtanong at makibalita kapag may naririnig siya na hot showbiz news.
Naalaala ko ang huling birthday party ni Daboy sa Wack Wack Country Club. Hindi ko malilimutan ang kanyang birthday wish na kahit hindi more birthdays to come, basta magkasama pa sila ng mga kaibigan niya sa kanyang mga susunod na kaarawan.
Kinabukasan, pagkatapos ng party, isa-isang tinawagan ni Daboy sa cellphone ang mga bisita na dumalo para personal na magpasalamat. Hindi na natupad ang birthday wish ni Daboy dahil sumakabilang-buhay na siya, pagkalipas ng tatlong buwan.
* * *
Sumaglit ako sa presscon ni Mother Lily para sa mag-asawang Vilma Santos at Ralph Recto, pagkagaling ko sa birthday mass ni Rudy.
Matindi sa follow-up si Mother. Tawag siya nang tawag sa cellphone ko para i-remind sa akin ang pa-presscon niya sa Recto couple.
Hindi sina Vilma at Ralph ang mga huling kandidato na bibigyan ni Mother ng presscon. Knowing Mother, marami pa siyang kandidato na susuportahan kaya siguradong makakatanggap pa ako ng sangkaterbang phone calls mula sa kanya.
* * *
Ang gandang tingnan ng wedding photos nina Ryan Eigenmann at Cathy Bordalba. Kahit hiwalay na ang kanyang mga magulang, nabuo ang pamilya ni Ryan sa araw ng kasal nila ng kanyang asawa.
Hindi lang ‘yon, umapir din sa garden wedding si Roni Rogoff, ang ex-husband ni Cherie Gil, isang ebidensiya na friends sila kahit hiwalay na.
Na-delay pala ang simula ng wedding march dahil hinintay muna na mawala ang sobrang tindi ng sikat ng araw. Masyadong mainit noong Linggo ng hapon kaya nag-worry ang lahat na baka mag-collapse ang bride na five months pregnant kapag nagmartsa siya habang tirik na tirik ang araw.
* * *
Congrats sa aking favorite singer-actress na si Sarah Geronimo dahil apat na award ang napanalunan niya sa MYX Music Awards noong Martes.
Nadagdagan na naman ng awards ni Sarah na umapir sa MYX Music Awards, kahit busy siya sa shooting ng pelikula nila ni Judy Ann Santos, ang Hating Magkapatid.
Hindi muna tatanggap si Sarah ng mga show sa ibang bansa dahil naka-focus ang kanyang atensyon sa mga pelikula at TV shows na gagawin niya.