Hindi lang pala bahay ang ibenebenta ni Francine Prieto para ipantustos sa pagpapagamot sa inang may stage three ovarian cancer. Pati ang kotse nito’y ibenebenta na rin dahil ‘pag nagsimula na raw ang six sessions yata ng chemotheraphy ng ina, kakailanganin niya ang malaking pera. Gusto ni Francine na tuluy-tuloy ang gamutan sa ina para umepekto ang gamot dahil kung patigil-tigil, wala ring mangyayari.
Saan kaya titira sina Francine ‘pag nabenta na ang kanilang bahay at anong gagamitin sa kanyang appointment ‘pag nabenta na ang sasakyan. Pero ang kaligtasan ng ina ang priority nito at sabi nga nito “bahala na si Batman” nang tanungin kung saan siya kukuha ng pera ‘pag naubos na ang naipon at ‘pag wala na siyang gamit na maibenta.
Kuwento ni Francine, hindi pa handa ang ina niyang mamaalam sa mundo at nakikita niyang gusto pa nitong mabuhay, kaya tinutulungan niya sa abot ng kanyang makakaya. Problema lang ng dalaga, wala na siyang regular show sa GMA 7 at kumikita siya sa pa-guest-guest, pero matutuwa tiyak ito dahil tutulungan siya ni Anne Curtis. Sana, tulungan din si Francine ng iba niyang mga kaibigan, lalo na ang Kapuso stars.
Guest si Francine sa Appreciation Dinner/Launching ng 2010 Metro Manila Film Festival at naiyak itong pinasalamatan ang mga tumutulong sa kanya. Galing siya sa ospital na kahit masaya ang kinanta, halata pa rin ang lungkot sa kanya.
Kaya mo ‘yan Francine!
* * *
Madalas maispatan sa isang casino ang guwapo at magaling na aktor na sa halip na ang lumamlam na career ang harapin, ang pagsusugal ang inaatupag. Iba’t ibang babae rin ang kasama ng actor ‘pag dumarating sa casino na pawang non-showbiz para ‘di kilala.
Malaking pera raw ang ipinatatalo ng aktor tuwing nagsusugal sa casino at nagtataka ang mga nakakakita sa kanya kung saan ito kumukuha ng pera dahil hindi naman siya active sa showbiz.
Mahusay umarte ang aktor na ito at guwapo, pero pinabayaan ang magandang takbo ng career at kung anu-anong bisyo ang pinasok at ngayon, sa sugal nalululong.
* * *
Tinging nagmamalaki ang ipinukol ni Jay-R sa GF niyang si Krissa Mae nang mapiling Miss Talent si Krissa sa pre-pageant ng Bb. Pilipinas na ginawa sa GMA 7 Annex last Friday. Kung puwede lang sigurong lapitan ni Jay-R si Krissa para personal na i-congratulate, ginawa niya.
Pero may nagreklamong kasama ng ibang candidates dahil unfair daw na isa si Jay-R sa mga hosts at performers ng pre-pageant night dahil GF niya si Krissa. Ang pre-pageant night ay mapapanood sa SNBO slot, after Show Me Da Manny at hatid ng Bb. Pilinas Charities at GMA 7.