Kung hindi lang fully booked ang The Ellen Degeneres Show, mapapanood na naman sanang mag-guest dito ngayong buwan ng Pebrero ang 13-year old nung Pebrero 3 na boy wonder ng Pilipinas na si Rhap Salazar.
Sa halip, ini-reset ang guesting niya next month. Una nang lumabas sa napaka-popular na TV show na ito sa US si Rhap nung buwan ng Nobyembre last year. Mismong ang host na si Ellen Degeneres ang nag-imbita kay Rhap matapos nitong mapanood sa You Tube.
Hindi makakalimutan ni Rhap ang napakagandang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng host ng programa sa kanyang unang paglabas sa programa.
Walang TF na tinanggap si Rhap for his appearance sa nasabing programa.
Wala ring cash na tinanggap si Rhap nang maraming ulit siyang manalo sa World Championship of the Performing Arts na ginanap sa Hollywood, USA. “Hindi bale nang walang pera, pero ang karangalang tinanggap ko, priceless.”
* * *
Isang malaking pagtitipon ang isasagawa ng T3 Community Foundation sa ika-27 ng Pebrero sa Jardin de Miramar sa Antipolo City. Pinamagatang T3 Ace (A Dinner and Concert for Equality) may tema itong One Community, One Family, One Heart. Layunin ng pagtitipong ito hindi lamang ang mabiyayaan ang mga tribo sa bansa kundi ma-preserve ang kanilang cultural heritage.
Maririnig dito sa unang pagkakataon ang T3CFI hymn na aawitin ng walong taong gulang na si John McEarl kasama ang T3 Band. Magpi-perform din ang mga tribo ng isang ispesyal na numero.
Ilan sa mga programang itinataguyod ng T3CFI ay ang Siglakas Kapatiran. Layunin nitong pagbuklurin ang mga miyembro sa pamamagitan ng Alay lakad at Bayanihan projects.
* * *
Ibang klaseng mag-birthday ang Kapamilya star na si Chad Peralta, isa sa mga iskolar ng Pinoy Dream Academy, kasabayan nina Yeng Constantino, JayR Siaboc, at Ronnie Liang. Pumunta sila ng pamilya niya nung Pebrero 4 sa isang park sa Bataan at kumain siya ng mga street foods na matagal na niyang gustong gawin pero ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon. Isang masayang bonding experience yun with his family which he will forever treasure dahil bibihirang mangyari yun.
Dahil wala naman siyang masyadong projects kung kaya, nabibigyang panahon ni Chad ang kanyang pagsusulat ng kanta. Kasama sa kanyang album ang mga kantang ginagawa niya, ang Promise, Song For You, at Kasalanan.
Wish niya na sana ay mabigyan pa ng proyekto sa Kapamilya network.