Nasa bansa na si April Boy Regino at naghahangad na mabalikan ang career na iniwan niya nang magpasya siyang manirahan noon sa US kasama ang kanyang pamilya. Kung naririto siya eh bakit naman hindi siya pumasyal man lang sa Walang Tulugan para kahit paano ay malaman ng mga kababayan niya na very visible siya uli?
Balak siyang tulungan ng Pambansang Kamao na ma-revive ang career niya sa pamamagitan ng pakikipag-duet sa kanya sa isang album. But this will have to wait until after makatapos ng laban niya si Manny Pacquiao kay Joshua Clottey sa Marso.
Sandali lang naman ito, pagbabalik ni Manny baka simulan na ang recording na baka kanta na gagawin ni Lito Camo. Kapag umuwi pang victorious na inaasahan ng lahat, wala ng problema si April Boy pag-uwi ni Manny.
Siyanga pala, sa matagal na pagkawala ni Manny sa kanyang programang Show Me Da Manny, papalitan muna siya ni Nonito Donaire. From Manny to Nonito, gusto ng mga fans ito, Nonito is as much loved by the Pinoy as Manny.
* * *
Balitang mabenta ang dance album na ginawa ni Lucy Torres-Gomez. Hindi naman ito kataka-taka dahil mahilig magsayaw ang mga Pilipino at ang album ni Lucy ay talagang sinadya para sa mga dancers. Pang-ballroom ito at naglalaman ng mga musikang pang-chacha, Latin, waltz, foxtrot, tango, mambo, samba, quickstep, at polka.
Sino ang mag-aakala na ang isang tahimik at mahiyaing maybahay ni Goma ay kikilalaning Asia’s Dance Diva na? Nagsimula lang siya sa flamenco, ngayon she’s into every dance. Hindi nasayang ang paghu-host niya ng Shall We Dance? na bukod sa Talentadong Pinoy ay ipinagmamalaking programa ng TV 5.
Huwag kang tumigil, Lucy, nasa tama kang landas.
* * *
Congratulations kay Aljur Abrenica! This early ay nagpapamalas na siya ng pagiging isang responsableng kabataan bilang paghahanda sa kanyang kinabukasan. May nagsabi sa akin na napaka-maimpok ni Aljur. Wala itong sinasayang na pagkakataon para kumita. At kapag nagkapera nama’y itinatabi na. At kung ilalabas man niya ito ay para lamang mag-open ng negosyo. Malapit nang maitayo ang kanyang sariling stand ng Fruitas.
Suwerte ni Kris Bernal kapag silang dalawa ni Aljur ang nagkatuluyan. Masipag at responsable ang binata.
* * *
Tatlong araw palang dapat ma-confine si Kris Aquino dahil sa aksidenteng pagkakabagok ng kanyang ulo. Mabuti naman at ganun lang ang nangyari sa kanya. It could have been worse pero mabait sa kanya ang Diyos kaya pasalamat ka, Kris. Ganun naman ang aksidente, hindi inaasahan dapat mag-ingat ng mabuti. Hindi bale sana kung meron tayong pang-gamot. Paano kung wala, maghihintay na lamang tayo ng milagro?