Bukod kay Ricky Lo, may iba pang showbiz talk show hosts ang nagbabalak mag-resign sa kanilang mga show para lumipat sa TV5. Minus Ricky, lima pa ang sinasabing lilipat at dalawa na raw ang nakipag-meeting, ang dalawa’y nasa proseso nang pakikipag-usap at ang isa’y nakatakda pa lang mag-resign sa show niya ngayon.
Ang isa sa mga host na sinasabing lilipat sa TV5 ay walang kontrata sa show na kanyang hino-host, kaya magiging mabilis ang pagre-resign. Hindi pa man nakakalipat, may kino-conceptualize ng show sa kanya ang TV5 kasama ang ilang talents ng network.
Huwag na tayong magbigay ng clue kung sino ang mga host na gustong lumipat sa TV5, malalaman din naman kung sino sila’t tiyak na masusulat. Basta, hindi si Ricky ang first and last showbiz host na lilipat at ‘di lang matutuloy ‘pag sila’y napigilan.
* * *
‘Kaaliw ang reaction ni Arnold Clavio nang tanungin namin kung totoong aalis siya sa GMA 7 at lilipat sa TV5 dahil may magandang offer sa kanya.
Sa halip na sumagot ng “yes” or “no”, nagkakamot ng mga imaginary na makakating parte ng mukha at katawan.
Biglang dumami ang makati at masakit sa katawan ni Arnold at biglang napipi dahil walang sinagot sa aming mga tanong. Ngiti lang ito nang ngiti, later on at dahil sa aming pangungulit, nag-dialogue rin ng “walang lipatan,” and in fact, may bago siyang show sa Channel 7.
Ang tinukoy na bagong show ni Arnold ay ang Kandidato na papalit sa Case Unclosed at kundi this week ay next week na ito eere. Profile ng mga kandidato ang pagtutuunan ng pansin, may guest panelist at siya ang moderator sa Q &A.
After election, may malaking plano raw ang Channel 7 sa time slot ng Case Unclosed at nagkamot uli si Arnold nang tanungin kung siya pa rin ang host ng bagong show.
* * *
Magpa-pilot mamaya pagkatapos ng 24 Oras ang Panday Kids na pinagbibidahan ng mga batang artistang sina Robert “Buboy” Villar, Julian Trono at Sabrina Man. Excited ang tatlo, lalo na ang dalawa na ngayon lang nagkaroon ng big break sa telebisyon at mga bida pa.
* * *
Straight from New York ang tsikang sumunod kay Lovi Poe sa New York ang rumored BF niyang si Rep. Ronald Singson. Sabay na raw babalik ng ‘Pinas ang dalawa sa February 24. Hindi alam ng source namin kung kailan dumating ng NY si Ronald, bigla na lang umapir.
Nasa Manhattan NY si Lovi at mga kasama para sa screening ng movie nila ni Jacky Woo na Walang Hanggang Paalam sa Soho International Film Festival. Sabay daw dumating sina Lovi at Ronald sa screening na parang in-love na in-love.
Tsika pa sa amin, kasundo ng mommy ni Lovi si Ronald dahil mabait at nakikitang inaalagaan ang anak. Nagkita na raw sina Ronald at mommy ni Lovi.