Mainit ang weather kahapon pero hindi ito naging sagabal para hindi tumambay sa harap ng Araneta Coliseum ang fans ng Starstruck V.
Mataas ang sikat ng araw nang pumunta ako sa Araneta Coliseum at ang fans na matiyagang naghihintay sa pagbubukas ng mga gate ang naabutan ko.
Kanya-kanya ng drama ang mga tagahanga na nakita ko. May fans na blue, purple, orange, yellow, at green ang kulay ng mga pang-itaas na suot bilang suporta sa kanilang mga idol.
May mga bitbit sila na lobo na iba’t iba ang kulay with matching placards na parang susugod sila sa isang malaking rally.
Bilib ako sa suporta at tiyaga na ipinakikita ng fans. Kung wala sila, wala ang mga artista. Puwede naman nilang panoorin ang Final Judgment Night ng Starstruck pero pinili nila na pumunta, makipagsiksikan at pumila nang mahaba sa gates ng Araneta Coliseum. Saludo ako sa kanila ‘huh!
* * *
Bago ako pumunta sa Araneta Coliseum, nag-lunch muna ako sa Bellini’s isang dinarayong Italian restaurant sa Cubao.
First time ko na nagpunta sa Bellini’s na dati kong lang nababasa sa column ni Lucy Torres sa Philippine Star.
Totoo ang mga isinulat ni Lucy. Masarap ang pagkain sa Bellini’s at nagustuhan ko ang orange cahe na original recipe ng misis ni Roberto Bellini, ang may-ari ng restaurant.
Bestfriend ng tatay ni Paolo Contis si Roberto. Ikinuwento sa akin ni Roberto na madalas sa restaurant niya ang tatay ni Paolo noong nabubuhay pa ito.
Sinabi sa akin ni Roberto na hindi siya pumunta sa burol ng kanyang friend. Ayaw daw niyang makita na nakahiga sa ataol si Mr. Renato Contis. Gusto raw niya na manatiling buhay sa kanyang alaala ang tatay ni Paolo.
Nalungkot ako sa pakikinig sa kuwento ni Roberto. Feel na feel ko ang sobrang kalungkutan niya sa pagkawala ng kanyang bestfriend.
* * *
Sobrang dami ng story ng Startalk noong Sabado kaya hindi naipalabas ang exclusive interview kay Ruffa Gutierrez.
Nainterbyu ni Butch Francisco si Ruffa sa birthday party ni Senator Jinggoy Estrada. Ang sey ng isang witness sa interbyuhan portion, nakakaloka ang pag-uusap nina Butch at Ruffa dahil sa mga pinagsasabi nito.
Ayokong i-preempt ang exclusive story ng aming show. Abangan n’yo na lang ang Startalk sa susunod na Sabado dahil very intriguing ang kontrobersiya na kinasasangkutan ni Ruffa.
* * *
Kung ako ang kaibigan ni Phillip Salvador, hindi ko siya papayuhan na mag-kontra demanda laban kay Cristina Decena.
Tama na ‘yung na-reverse ang desisyon ng Las Piñas City Trial Court na ikulong siya ng 20 years dahil sa estafa case na isinampa ng kanyang ex-dyowa.
Si Ipe na rin ang nagsabi na maraming magaganda ang nangyayari ngayon sa kanyang buhay. Para sa akin, enough na ‘yung naabsuwelto siya sa kaso. Magpatawaran na lang sila ni Cristina, alang-alang sa kanilang nakaraan. I’m sure naman, marami rin silang magandang pinagsamahan noong in love pa sila sa isa’t isa kaya mas mainam na mag-forgive and forget sila ‘di ba?