MANILA, Philippines - Sa ngayon pa lang ay nagdiriwang na ang showbiz industry dahil sa inaareglong pagsasama sa pelikula ng Teleserye Queen, Judy Ann Santos, at ng Pop Princess, Sarah Geronimo, na ipoprodyus ng Viva Films.
Proud na proud dito ang big boss ng Viva na si Vic del Rosario.
“Ito ang first time that Juday and Sarah will be seen in one movie. That is a casting coup in itself. Pero bukod sa kanilang dalawa, we also enlisted veteran actress Gina Pareño and young actor Luis Manzano to join the cast. This is big,” diin ng produ.
Hindi lang ang mga artista ang binigyan ng halaga ng Viva Films, kinuha rin ang subok na tandem nina Wenn Deramas at Mel Mendoza-del Rosario, ang director at writer, na siya ring nasa likod ng Ang Tanging Ina at ng sequel nito.
Ang working title ng Juday-Sarah film ay Hating Kapatid. Istorya ito ng magkapatid na sina Rica at Cecilia na sa sobrang pagmamahalan ay kanyang isasakripisyo pati ang personal na kaligayahan.
Isang romance-comedy ang pelikula kaya patatawanin at paiiyakin ang mga manonood nito. Walang problema sa dalawang bigating artista dahil kayang-kaya na nila ang ganoong forte. Tiyak na mas magiging close ang mga pamilya sa Hating Kapatid.
First time rin na magiging love interest si Luis ni Sarah. Kasali pa ang hit na komedyante ngayon na si Vice Ganda para mas pasayahin ang rom-com film nina Juday at Sarah.