Talent manager napuno na sa alagang pasaway

Matagal na palang binitiwan ng isang talent manager ang isa sa mga talents niya kaysa sumakit lagi ang ulo niya dahil sa unpro­fessionalism ng ala­ga niya. Noong una ay nani­niwala siya sa mga alibi ng alaga tuwing may mag­su­sumbong sa kan­ya na halos ayaw nitong mag­trabaho kahit nasa set na. Madalas daw ito ang na­gi­ging cause of de­lay. 

Pero nalaman din niya ang totoo nang bigla na lamang itong hindi na niya makontak dahil wala pala ito sa bansa. Sa pagtsi-check niya sa mga ka­sama nito, nalaman niyang sumama pala ito sa isang kaibigan na magbakasyon abroad. Hindi man lamang ito nagpaalam sa kanya na aalis ga­yung may naiwanan itong project na ginagawa.

Kaya sa inis ng talent manager, sinabihan na lamang niya ang kaibigan nito na sabihin sa talent na binibitiwan na niya ang pagma-manage dito. Okay na sa kanya na wala na siyang sakit ng ulo, kahit may commission pa siya na hindi naba­ba­yaran sa kanya. For sure, hindi ito iintindihin ng talent, masaya ito dahil kasama ang kaibigan sa pag­ba­bakasyon.

* * *

Maaaring pauwi na ngayon ang mag-sweet­heart na Dingdong Dantes at Marian Rivera mula sa pagdalaw nila sa father ng aktres sa Spain. Maraming naghihintay sa pagbabalik nila dahil sa pagpapatupad ng Fair Election Act ng Com­­mission on Elections na nagbabawal na mag-endorse ang mga artista ng mga kandidato para maging fair ang election campaign.

Nakausap na ng manager niyang si Perry Lansigan si Dingdong at sina­bi nitong pagdating nila, makikipag-usap agad siya sa mga kasama niya sa AYOS NA na nagtataguyod sa candidacy ni Sen. Noynoy Aquino. Dahil talent siya ng GMA Network na nakikiisa sa implementation ng na­turang Republic Act 9006, kung magpapatuloy si Dingdong, hindi siya ma­papanood sa mga shows niya sa GMA 7 tulad ng Family Feud at ang bago nilang soap ni Marian na Endless Love. At least si Marian, hanggang sa Friday, Feb. 19 na lamang ang airing ng Darna at ang Endless Love nila ni Dingdong ay baka sa June na mapapanood.

* * *

Si Mac Alejandre na pala ang magdidirek ng Captain Barbell at hindi na ang direktor niya sa ilang telefantasyang ginawa na si Direk Dominic Za­pata.

Nauna na kasing naibigay kay direk Dom at nagti-taping na siya ng musical-comedy-drama na Diva na nagtatampok kina Regine Velasquez at Mark Anthony Fernandez.

Show comments