MANILA, Philippines - Late si Francine Prieto sa presscon ng Pitas dahil galing sa Cardinal Santos Medical Center kung saan kahapon, itinuloy ang pag-alis ng fluid sa lungs ng kanyang inang may stage three ovarian cancer. Teary-eyed nitong nabanggit na kumalat na sa lungs ng ina ang cancer cell, pero dahil nakikitang hindi pa ito handa at gusto pang mabuhay, tinutulungan niya sa abot ng kanyang makakaya.
Tuluyan nang umiyak si Francine nang makausap namin at hingan ng reaction sa “I hate God!” tweet niya na umani ng iba’t ibang reaction.
“Kaya ko na-post ‘yun dahil ang dami-daming nangyayari sa akin, nagtapos na lang ang 2009, ‘di pa rin ako nauubusan ng problema at sagad-sagad ang nangyayari sa akin. Lahat tayo dumarating sa punto na nakakapagsalita ka ng hate mo si God lalo’t mahal mo sa buhay ang concerned. Pero hindi ibig sabihin na ‘di ko na mahal ang Diyos at wala na akong faith sa Kanya. Up to now, nagdadasal pa rin ako na tulungan ako,” paliwanag ni Francine.
Lalo pang naluha si Francine nang mag-offer ng tulong ang entertain press mula sa pagkuha ng trabaho at may nagbigay ng financial help na kailangan niya. After kunan ng fluid sa lungs ang ina, dadaan uli ito ng chemotherapy at nagkataong wala siyang regular show sa GMA 7 ngayon at ‘di alam kung saan kukuha ng panggastos sa mga darating na araw. Nahihiya man, tinanggap ni Francine ang tulong ng mga reporter at ang mga tutulong pa.
Patuloy ni Francine: “Ang daming nag-react sa na-tweet ko, negative sa mga ‘di naiintindihan ang sitwasyon ko. May nag-akala pang lasing ako, pero ang friends ko, naintindihan ako. Hindi ko rin kailangang bawiin ang tweet ko dahil humingi na ako ng tawad sa Diyos at naniniwala akong mahal niya ako, nakinig at naiintindihan niya ako.”
Samantala, ina ni Kristel Moreno ang role ni Francine sa Pitas na showing sa March 3, may premiere night ito sa February 26, sa SM North Edsa. Mula ito sa direksiyon ni Joey Romero at produced ng Legalas Entertainment at co-producer si Mr. Philipp Santos. (NITZ MIRALLES)