MANILA, Philippines - Walang duda na mas ibayong ganda ng himig ang gagawing bersiyon ng tatlong champion singers na La Diva sa mga love songs ngayong Heart’s Day sa kanilang kauna-unahang Valentine concert na Intimately La Diva ngayong Sabado, Feb. 13, 8:30 p.m., sa One Esplanade sa Mall of Asia Complex.
Ang mga miyembrong sina Jonalyn Viray (2004 Pinoy Pop Superstar (PPS) grand champion), Aicelle Santos (2005 PPS runner-up), at Maricris Garcia (2006 PPS grand champ) ay nakakuha ng respeto kahit mula sa pinakamapiling music lover dahil sa kanilang boses at tamang timpla ng group blending.
Napahanga ng La Diva ang buong bansa sa pagkanta nila ng Philippine National Anthem sa laban nina Manny “Pacman” Pacquiao at Miguel Cotto sa Las Vegas at patuloy na pinahahanga pa sa kanilang weekly number sa SOP sa GMA-7.
Sa Intimately La Diva, ibang imahe naman ang ipapakita ng tatlo sa kumpas ng winning composer at musical arranger na si Danny Tan at sa stage direction ni Louie Ignacio, kasama pa si Pepsi Herrera bilang stylist. Ang Valentine show ay para sa benefit ng Childhaus.