Tama kaya ang gagawin ng isang network na paghiwalayin ang isa sa sikat nilang loveteam dahil susubukang ipareha ang actor sa ibang artistang babae sa pelikula? In fact, may napili na ang network na aktres na ipapareha sa aktor at matutuwa ito dahil crush niya ang aktres at isa sa mga gustong makatrabaho.
Kahit sa pelikula lang paghihiwalayin ang magka-loveteam, malulungkot pa rin ang aktres na ka-loveteam ng aktor dahil sanay na itong ang aktor ang kapareha. Sabi nito, mahihirapan siyang mag-adjust sa bagong kapareha at wish nito’y hindi sila paghiwalayin ng ka-loveteam.
Kawawa nito ang aktres na bagong itatambal sa aktor dahil aakusahang mang-aagaw ng kapareha, pero wala siyang kinalaman sa re-shuffle na gagawin. Gustong subukan ng network kung mas sisikat ang aktor ‘pag iba ang kapareha at sa pelikulang sisimulan.
* * *
Last six days na lang ng Darna at kahit nabawasan ang kaaway ni Darna sa pagkamatay ni Valentina (Iwa Moto), marami pa ring sasagupaing kalaban si Darna at mahihirapan siyang makatakas sa hawla na pinagkulungan sa kanya ng magkakapatid na ahas.
Samantala, matutuwa ang fans nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa nasagap naming baka mapaaga sa June ang airing ng balik-tambalan nilang Endless Love: Autumn In My Heart. Inaayos na ang script ng soap at i-schedule na rin ang taping.
* * *
Si Rich Asuncion ang pumalit kay Lovi Poe sa Panday Kids at gaganap sa role ni Fatima na magkakagusto kay Aureus (JC de Vera). Hindi ang karakter ni Rich ang makakatuluyan ni Aureus, kundi si Sarah na ginagampanan ni Jackie Rice.
Isa sa mga rason kung bakit tinanggihan ni Leo Dominguez ang Panday Kids para kay Lovi ay dahil hindi ito ang kapareha ni JC. Dahil ‘dun, pinul-out niya si Lovi at maghihintay na lang daw sila ng babagay na role sa dalaga.
Ngayon lang uli mapapanood si Rich sa primetime show ng GMA 7 dahil lagi siya sa afternoon soap ng network. Oras na niyang mag-shine, kaya sana galingan niya. Malay natin, sa future project ay ipareha na siya kay Aljur Abrenica na nababalitang totoong girlfriend ng aktor.