Now it can be told, Salve A. Ang tinaguriang Dean of Entertainment writers na si Manay Ethel Ramos na ang bagong manager ni Angel Locsin.
A few days ago, kami rin ang nagbalita sa aming column na wala na si Angel sa poder ng dati niyang manager na si Becky Aguila pero wala kaming detalye kung bakit muling naghiwalay ng landas ang dalawa sa pangalawang pagkakataon.
Bago napunta si Angel sa pangangalaga ni Manay Ethel, lumatang din ang pangalan ng TV host-talent manager na si Boy Abunda pero walang kumpirmasyon na nagmula sa King of Talk at ganundin naman sa kampo ni Angel.
Ngayong nakatagpo na si Angel ng bagong manager sa katauhan ni Manay Ethel na siya ring manager for the longest time ni Aga Muhlach, mukhang matutuloy na ang pagtatambal sa pelikula nina Aga at Angel na matagal-tagal na ring lumulutang sa mga balita.
Sa pagkakaalam namin, si Becky pa ang nag-negotiate ng bagong endorsement ni Angel, ang Japanese beauty product line na Mosbeau na available na rin sa Pilipinas at ni-launched sa C3 Events Place sa Greenhills, San Juan kahapon.
* * *
Mukhang tuloy na tuloy na ang pagbabalik-Pilipinas ng kaisa-isang superstar na si Nora Aunor sa buwan ng Abril para sa pagbubukas ng pinakabagong Japanese eye laser and aesthetic center, ang Shinagawa Lasik & Aesthetic Center sa Ayala, Makati City kung saan si Guy ang napiling celebrity endorser.
Lumipad si Guy mula Los Angeles, California (kung saan siya naka-base ngayon) patungong Tokyo, Japan kung saan siya sasailalim ng ilang medical procedures sa pamamahala ng mga expert Japanese doctors ng Shinagawa Clinic, ang leading eye laser at aesthethics center sa buong Japan. Sa Japan na rin magpi-pictorial at magsu-shoot ng TV commercial si Guy for airing sa Pilipinas.
Mag-isang bumiyahe patungong Japan si Guy galing L.A. at sinalubong siya roon ng kanyang anak na si Ian de Leon na huli niyang nakita nung 2007 nang magtungo ng Amerika ang huli.
Magkakaroon ng bonding time ang mag-ina sa Japan. Gusto rin sana ni Guy na makasama si Lotlot sa Japan pero may bago itong trabaho sa GMA, ang bagong TV series na Gumapang Ka sa Lusak na tinatampukan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Sa pagbabalik-Pilipinas ni Guy sa buwan ng Abril, isa si Kuya Germs sa mga trusted friends ni Guy, ang tutulong sa kanya.
Samantala, masayang ibinalita sa amin ni Guy na tuloy na ang kanyang series of concerts sa Canada sa buwan ng Marso na magsisimula sa March 5 sa Massey Theatre sa Vancouver, British Colombia; March 14 sa Fantasyland, Edmonton, Alberta; March 20 sa Toronto International Celebration Church Main Auditorium sa Toronto, Ontario at sa March 26 sa Polish Canadian Centre sa Calgary, Alberta.