Kung inakala ng mga non-showbiz na puro papogi lamang ang ginagawa ng mga nai-elect na artista sa anumang posisyon sa gobyerno, hindi lamang sila nabigo, nagulat pa sila. Lalo na sa senado na mga batas ang iniisip at ginagawa.
Dalawa sa mga senador na mga artista ay naging abala sa pag-iisip ng batas na mabibiyayaan hindi lamang ang mga ordinaryong tao kundi maging ang taga-local entertainment, lalo na ang sektor ng pelikula.
Sila’y sina Senador Bong Revilla, Jr. at Senador Jinggoy Etrada.
Si Bong na umaasam ng reeleksyon at sinasabing pinakamasipag na senador sa 14th Congress, ay nakapag-file ng mahigit 500 bills,103 sa mga ito ay naging mga batas na. Kasama rito ang tax exemption sa mga manggagawang nasa minimum ang suweldo, state university charter na magbibigay ng mataas na kalidad ng edukasyon sa mga mahihirap, pagtulong ng gobyerno sa mga maliliit na negosyante at pangangalaga sa mga pamilya para hindi sila mawalan ng matitirhan dahil sa mataas na renta.
Ipinangako ng senador na hindi siya titigil sa paggawa ng mga bills na mabibiyayaan at mapapangalagaan ang karapatan ng kanyang mga kababayan.
Patuloy naman sa pagpu-promote ng welfare and development ng kanyang mga kasamahan sa entertainment si Jinggoy. Ang kanyang Senate Bill No. 4 is an act reviving the local movie industry sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga incentives sa mga may-ari, nangungupahan, at operator ng mga sinehan. May batas din siyang ginawa para mabigyan ng tulong at pagkilala ang mga gumagawa ng pelikula. Sa isang batas na ipinasa niya, layunin niya na ibalik ang pamamahala ng Metro Manila Film Festival sa mga taga-industriya sa pamamagitan ng Mowelfund.
Bagama’t maraming batas na naipasa si Sen. Jinggoy para sa kapakanan ng industriyang kanyang pinanggalingan, nabigyang pansin din niya sa mga ginawa niyang bills ang mga autistic at OFWs. Patuloy din ang paglaban niya sa pagsusulong ng Charter Change at pinababantayan niya ang mga may-ari ng mga lumubog na barko para hindi sila makalabas ng bansa at mapanagutan ang kanilang mga reponsibilidad.
Hindi lamang isa sa pinaka-batang senador si Jinggoy, isa rin siya sa “never absent, never late” during the 13th and 14th Congress, nawala lamang siya nang siya ay maospital at maoperahan. Pareho sila ni Bong na nakapagpasa ng pinakamaraming bill, kasunod ng nangungunang si Sen. Miriam Santiago.
* * *
Nagsimula nang mapanood kahapon sa GMA-7’s Dramarama sa Hapon ang revival sa TV ng pelikula ni Lino Brocka na Gumapang Ka sa Lusak na pinangungunahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Ito ay isang political drama tungkol sa dalawang nag-iibigan, ang pinaka-magandang babae sa bayan na pinagnanasaan ng lahat, kasama na ang mayor na gagawin ang lahat makuha lamang ito, at ng isang mahirap na lalaki.
Hindi alam ni Jennylyn nung una na role ni Dina Bonnevie sa pelikula ang gagampanan niya. Na-pressure siya nang malaman niya. Nangako na lamang ang aktres na gagawin ang lahat para hindi mapag-iwanan ni Dina.
Kung maikli ang role ni Christopher de Leon sa pelikula, gagawing mahaba ito ni Direk Maryo delos Reyes para sa TV.
* * *
Magandang move ng GMA-7 ’yung ginawa nilang pagbabalik kay Jolina Magdangal sa SOP. Hindi ko nga alam kung bakit nakasama siya sa mga tinanggal eh napakaganda naman ng mga performances niya.
Ganun din sa Unang Hirit. Ngayon kulang ito ng mga segment hosts. Nawala si Jolina na parang pinalitan ni Sunshine Dizon na parang bulalakaw naman. Minsan you see her, minsan you don’t.
Maganda ’yung number ni Jolina nitong Sunday, pang-word class. She definitely adds class to SOP.