Nagkaroon na rin ng katapat na programa ang It’s Showtime ng ABS-CBN via Diz Iz It! ng TAPE, Inc. Ipinalalabas ito sa GMA-7 at tampok sina Bayani Agbayani, Sam YG, Grace Lee, at Ehra Madrigal bilang hosts.
Ang bagong programa na nagsimulang umere kahapon, ay isang talent, brains, and wit show na inaasahang magbibigay sa mga participants ng pera sa winner-take all game. Ang winner dito ay makapag-uuwi ng P30,000 at kung manalo pa siya sa talent portion, puwede itong umabot sa P80,000!
* * *
Kaya pala masaya si Lotlot de Leon, na-meet na nito ang kanyang tunay na ama’t ina nang pumunta siya ng Amerika recently. Hindi nga lamang ang real parents niya ang magkasama dahil parehong may kanya-kanyang pamilya na ang mga ito. Hindi rin nagkapangasawahan ang mga ito dahil pamilyado na ang dad niya when her mother conceived her.
Bagama’t ina-acknowledge siya ng kanyang ama, hindi nila ma-open sa pamilya nito ang relasyon nila. Okay na ito kay Lotlot who is back to her acting career. Katunayan, kasama siya sa Gumapang Ka sa Lusak, bagong serye ng Siete.
Happy siya na nagkita sila ni Nora Aunor nang pumunta siya ng US. Doon siya tumuloy kay Nora na nag-aalaga kay Sajid Khan na kaoopera pa lamang. Sinabi niyang totoong uuwi ito. Soon!
* * *
Kainggit-inggit ang friendship nina Bong Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada, parehong tumatakbong reeleksyunista bilang senador ng Pilipinas. Kahit magkaiba sila ng political affiliations, hindi ito hadlang para ikampanya nila ang isa’t isa.
Karangalan din naming mga taga-showbiz na kumandidato sila’t manalo dahil palaging kasama sa agenda nila ang mundong pinanggalingan nila at ang mga kapwa nila artista at manggagawa sa pelikula. Sa kanilang tatlo nina Lito Lapid, na isa ring senador, nakakita ng malaking pag-asa ang mga taga-pelikula.
* * *
Saan kaya nakukuha ’yung mga surveys sa pulitika, lalo na pagdating sa mga presidentiables?
At maging senatoriables? At gaano kaya katotoo ito? Alam ko, ’di man nila aminin, may mga kandidatong naaapektuhan nito, kaya nga sila nanggagalaiti pa sila minsan sa pagsasabing hindi dapat paniwalaan ang mga surveys. Nangungulelat kasi sila.
Oo nga naman. Madali lang sabihin na 100 o 1000 ang nag-respond sa survey pero paano natin malalaman kung totoo ito o hindi?
Pag-aralan nating mabuti ang pagpili ng kandidato. Sinasabi nating matatalino tayo pero madalas pa rin tayong magkamali. Kaya nga hindi umaasenso ang bansa natin. Marami na tayong leksyon na pinagdadaanan pero hindi pa rin tayo natututo. Ngayon dapat masunod ang sinabi ni
Joseph “Erap” Estrada noon na dapat walang kapa-kapatid at kai-kaibigan sa pagpili natin ng kandidato. Mas marami ang bilang ng mahihirap ngayon sa kabila ng pangyayaring tuwing eleksyon, sila ang pinapangakuan ng pag-asenso ng mga kandidato.