Maghaharap ngayong umaga sa opisina ni Secretary Agnes Devanadera si Richard Gutierrez at ang staff ng Philippine Entertainment Portal (PEP).
Ang paghaharap nila sa Department of Justice ang kumpirmasyon nang kumakalat na balita na magkakaroon ng aregluhan sa pagitan ni Richard at ng PEP staff.
Kung magkakaayos ang magkabilang-panig, iuurong na ni Richard ang libel case na isinampa niya laban sa staff ng PEP at sa editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon.
Ang dinig ko, willing ang PEP at si Mama Jo-Ann na magbigay kay Richard ng public apology dahil sa maling balita na na-upload sa PEP website noong nakaraang taon.
Pareho kong kaibigan sina Mama Jo-Ann at ang Gutierrez family kaya natuwa ako nang malaman ko na magkakaayos na sila. Napakaliit ng mundo ng showbiz para mag-iwasan ang mga artista at ang mga entertainment writers.
Saka, dati namang friends sina Mama Jo-Ann at Annabelle kaya mahirap ma-imagine na forever na silang enemies.
Malapit na ang 10th year anniversary ng YES! Magazine na si Mama Jo-Ann din ang editor-in-chief. Hindi ako magugulat kung invited sa party ng YES! si Bisaya at ang kanyang mga alaga dahil magkakasundo na sila ngayon.
* * *
Kahapon lang ako nakapunta sa burol ni Mr. Renato Contis, ang tatay ni Paolo na pumanaw noong Biyernes.
Ibinurol sa Arlington Funeral Homes ang mga labi ni Papa Renato at ngayong umaga ang cremation. Feel na feel ko ang kalungkutan ni Paolo pero pinipilit niya na magpakatatag. Si Paolo ang bunso ng pamilya at ngayong wala na ang kanyang tatay, siya na ang tatayo na padre de pamilya.
Nagluluksa man, hindi pa rin nawawala ang pagiging komedyante ni Paolo. Alam ko naman na idinadaan niya sa pagpapatawa ang lahat pero ang totoo, malungkot na malungkot siya.
* * *
Nag-umpisa na kahapon ang Diz Iz It at dahil pilot episode, nag-overtime ang talent-game show ng GMA-7 at TAPE, Inc.
Siksik na siksik ang show at laugh ako nang laugh sa tarayan ng mga mystery judges na sina Sita at Tera. Nakakaloka ang mga negative comments ni Sita huh! Kung mahina-hina ang loob ng mga contestants, tiyak na na-offend sila sa mga matataray na opinyon ni Sita na kausap ko lang kahapon at pilit akong hinaharbatan ng Technomarine watch.
Hindi ko puwedeng ibulgar ang mga tunay na katauhan nina Tera at Sita or else, wa effect ang drama nila na mga mystery judges sila.
Si Maricel Soriano ang celebrity judge sa pilot telecast ng Diz Iz It. Iba-iba ang celebrity judge dahil ngayong umaga, si Dennis Trillo naman ang ka-join nina Tera at Sita sa panghuhusga sa mga talented contestants nang pinaghalo na talent at game show ng GMA-7.
* * *
Dalawang presscon ang hindi ko pinuntahan kahapon dahil mas pinili ko na pumunta sa weekly meeting ng Startalk.
Hindi ako naka-go sa magkasunod na presscon ni Gilbert Remulla at ng announcement ng Picture Flawless winners. Hindi man ako nakapunta, ipinadala sa akin ni Shirley Pizarro ang press kit. Bukas ko na sasabihin sa inyo ang mga pangalan ng mga nag-win sa Picture Flawless at ang mga plataporma ni Gilbert na kumakandidatong senador sa ilalim ng partido ni Sen. Manny Villar. In good hands si Gilbert dahil mabuting tao ang presidentiable na kanyang sinusuportahan.