MANILA, Philippines - “Nirerespeto namin ang desisyon ni tito Dolphy. Alam namin na trabaho lang yan. Nagulat lang kami nang makita namin siya sa stage nang mag-declare si Senator Manny Villar,” sagot ni Senator Jinggoy Estrada nang tanungin siya sa hindi pagsuporta ni Mang Dolphy sa kandidatura sa pagkapangulo ng kanyang amang si dating presidente Joseph Estrada.
Pero aminado siya at one point, nag-expect sila ng suporta from the king of comedy. “Oo naman, we’re expecting dahil he is a good friend of my father,” dagdag ni Jinggoy na humarap din sa entertainment press tulad ng kaibigan niyang si Sen. Bong Revila.
Natanong din kay Erap ang nasabing issue at sinabi niyang wala siyang sama ng loob sa kaibigan. “Kailangan maghanapbuhay di ba? Wala akong sama ng loob sa kanya. Our friendship is beyond politics. Matagal ko nang kaibigan ‘yan. Mahal ko si Pidol at trabaho lang naman ‘yan,” sagot naman ni Erap nang siya ang usisain sa desisyon ng king of comedy na ngayon ay nasa TV5 na.
Sinasabing malaki ang naitulong ng endorsement ni Dolphy para tumaas ang rating ni Sen. Villar.
Back to Jinggoy, ang sobrang nami-miss niya ngayong kampanya ay ang kaibigang si Rudy Fernandez na aktibo noong nabubuhay pa sa kampanya.
Madalas nga raw itong nagpi-pinchhit sa kanya noon tuwing hindi siya puwede.
“Pero nag-promise naman ngayon si Mareng LT (Lorna Tolentino) na tutulong siya pag wala siyang trabaho,” sabi ni Jinggoy.
Samantala, tuloy ang laban ni Sen. Jinggoy sa pagpapalipat ng organization, operation and management ng Metro Manila Film Festival (MMFF) mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa movie workers na Welfare Foundation (MOWELFUND) kung saan gumawa pa siya ng bill. Nakasaad sa nasabing bill na ang MMFF Executive Committee ay bubuuin ng Executive Director of Mowelfund bilang chairperson at one representaive each mula sa Philippine Motion Picture Producers Association, Movie Producers and Distributors Association of the Philippines, Kapisanan ng mga Direktor ng Pelikulang Pilipino, Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon, Screenwriters Guild of the Philippines, Film Editors Guild for Motion Pictures, Filipino Society Cinematographers, Sound Technicians Associations for Motion Pictures, United Film Musical Directors of the Philippines at marami pang organisasyon.
Nakasaad din sa ipinasang bill ng aktor na ang Mowelfund at Film Academy of the Philippines (FAP) ay makakatanggap ng 40% each sa kita ng MMFF habang ang natitirang 20% ay ibibigay sa Motion Picture Anti-Piracy Council. (SVA)