MANILA, Philippines - Isang daang araw bago ang eleksiyon sa Mayo, ilulunsad ng DZMM ang kampanya nito para sa halalan kung saan ang mga mamamayan naman ang pakikinggan.
Bilang pambungad ng kampanyang DZMM Halalan 2010 Ang Bayan Naman!, gaganapin ang DZMM Comelec Forum sa Sabado (Jan 30), 4:00 pm, sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa Intramuros upang suriin at busisiin ang poll automation at iba pang isyu sa eleksiyon.
Kaagapay ng Commission on Elections (Comelec), layunin ng DZMM na bigyan ng boses at sagot ang mga Pilipino sa forum na dadaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang sektor tulad ng mga estudyante at guro, mga overseas Filipino workers, poll watchdogs, at iba pa.
Darating naman sina commissioners Greg Larrazabal, Ferdinand Rafanan, Rene Sarmiento at spokesperson James Jimenez, mga dalubhasa sa batas pang-halalan at sa teknolohiya upang tumugon sa mga katanungan nila.
Maaari ring makilahok ang mga Pilipino sa ibang rehiyon at pulo dahil roronda ang mga Radyo Patrol reporters sa buong bansa upang dinggin ang kanilang sasabihin.
Hindi naman dito nagtatapos ang lingkod bayan ng DZMM Halalan 2010 Ang Bayan Naman! sapagkat nagtatag na rin ng Halalan Helpdesk ang DZMM. Para sa mga tanong o reklamo kaugnay ng halalan, sumangguni sa Usapang De Campanilla tuwing Miyerkules para sa espesyal na Halalan Helpdesk kung saan tutulungan nina Atty. Danny Concepcion, Atty. Claire Castro and Cheryl Cosim na sagutin ang mga katanungang pinadala sa DZMM REACT o sa dzmm630@abs-cbn.com.
Sa hinaharap ay makikita na rin sa DZMM website ang mga kinuhang litrato, video, at mga report mula sa mga tagapakinig at manonood mismo ng DZMM.
Ang DZMM Comelec Forum ay kasama sina Gerry Baja, Anthony Taberna, Henry Omaga-Diaz and Nina Corpuz sa Sabado (Jan 30), 4:00 pm sa DZMM Radyo Patrol 630 and DZMM TeleRadyo (SkyCable ch. 26).