Edad at petsa nakalimutan na ni Angelica
Kung mayroon mang pinakahihiling ngayon si Angelica Panganiban, ito ang matulog kahit isang araw man lang, o kung makakahirit man siya, mga dalawang araw.
Simula nang umpisahan ang taping para sa kanyang bagong serye sa ABS-CBN, ang local adaptation ng isang sikat na Mexican telenovela, ang Rubi, talagang hindi na siya nakatulog. Makatulog man siya, minsan isang linggo na lamang. Kadalasan, ninanakaw na lamang niya ito para lamang maipagpatuloy niya ang kanyang trabaho. Hindi pa man niya natatapos ang taping para sa Rubi ay may nakaplano na agad siyang kasunod na pelikula pero nakiusap na payagan siyang makatulog hanggang Pebrero.
“Pati edad ko nga nakakalimutan ko na dahil sa sobrang antok at pagod. Kapag pumipirma ako ng tseke, ipinagtatanong ko pa ang date.
“Pero ayaw kong magreklamo. Matagal na akong artista pero ngayon ko lang nararamdaman ang pagiging artista ko. Feeling ko nga bumabalik lahat ‘yong pinaghirapan ko,” paliwanag ng aktres na nung una siyang dumating sa kanyang presscon ay naramdaman niya marahil ang pagkabagot ng press dahil matagal niya silang pinapaghintay pero, kumalma rin nang marinig nila kung gaano siya ka-busy na pati matulog ay hindi na niya magawa.
They even sympathize with her dahil parang hindi siya comfortable sa suot niyang pulang damit na halos mag-hello na ang kanyang boobs pero sinabing iyon siya bilang Rubi. Matagal bago niya nahanap ang pinaka-komportable niyang posisyon sa silyang dapat niyang upuan.
Aware si Angelica na bago siya nakuha para gumanap ng Rubi ay marami munang ibang pinagpipilian.
“Pero nang pumasok ang pangalan ko ay tumigil na sila ng paghahanap. Nakita siguro nila na kaya kong paglaruan ang Rubi. May pagkakatulad ito sa Scarlet role na ginampanan ko sa Iisa Pa Lamang.
“Ang pagkakaiba nga lamang, sosyal si Scarlet habang social climber naman si Rubi. Also, kung mayaman si Scarlet, mukhang pera naman si Rubi. Pinaka-bakla at pinaka-mahirap na role itong ginawa ko, pero ginawa ko dahil iba sa panlasa ng manonood, bagung-bago.
“Pero sa TV lang ito. Like Rubi, may pagka-maldita rin ako in real life pero, hindi bonggang-bongga, pahaging lang kasi artista ako,” dagdag impormasyon niya.
Hindi ba nagseselos si Derek (Ramsay boyfriend niya) kapag gumaganap siyang sexy, complete with love scenes?
“Hindi, dahil artista rin siya. Sa mga ganitong eksena, dedma lang kami pareho. Sa pagpapa-sexy naman, idinadaan ko na lang sa damit. Hindi kasi puwedeng todo sa screen, tulad nito,” sabay turo sa kanyang napaka-seksing pulang damit.
Sobrang confident si Angel sa Rubi dahil napakarami niyang kasamang magagaling.
“May Cherrie Pie (Picache) na ako, may Coney Reyes pa, at Cherie Gil. Nang malaman ko nga na si Cherrie Pie ang magiging nanay ko sa series, naiyak ako,” pag-amin niya.
Mapapanood ang Rubi simula Pebrero 15 sa ABS-CBN.
* * *
Parang mauulit lang ang Sine Direk Serye sa nalalapit na Cinemalaya Film Festival na magaganap sa buwan ng Hulyo. Limang director ang maglalaban sa kategoryang Director’s Showcase, sina Joel Lamangan, may entry na Sigwa, Gil Portes, Two Funerals, Mario O’Hara’s Ang Paglilitis ni Bonifacio, Mark Meily, Isang Pirasong Buhay at Jay Altarejos na may pelikulang Pink Halo Halo.
Binigyan ng bagong kategoryang New Breed ang mga full length movies from previous years. Ang mga finalists dito ay bibigyan ng seed money na kalahating milyon (P500,000).
* * *
Akala mo isang VIP ako na nasiraan ng sasakyan sa ibabaw ng tulay ng Guadalupe nung hatinggabi ng Linggo. Galing ako sa pagbisita ng isang anak sa Cabuyao, Laguna nang biglang bumagsak ang harapan ng aking FX. Ilang minuto lamang, tatlu-tatlong tow trucks ang dumating at isa ang humila sa amin para dalhin sa Emergency Bay na may less than 50 meters mula sa aming kinatigilan.
Mabait naman ang mga taga-MMDA. Di ko lang alam kung bakit kinuha nila ang lisensiya ng driver ko, for obstruction daw eh, aksidente yun!
At bakit kinailangan kaming makipagtawaran sa kanila dahil humihingi sila ng pangmeryendang P500 eh P400 lang ang pera ko. Buti, pumayag sila sa halagang P300 at P100 na pangtubos ng lisensya ng driver ko at pagkatapos ay iniwan kami sa Emergency Bay na kung saan naman kami pinik-up ng Wheelers Club International at inihatid sa aking bahay sa Novaliches.
- Latest